President Benigno S. Aquino III's Speech at the 27th Founding Anniversary Celebration of the Presidential Security Group (PSG),

PSG Grandstand, Malacañang Park, Manila

04 March 2013

 
Secretary Voltaire Gazmin; Secretary Rene Almendras; Mayor Alfredo Lim; Vice Admiral Jose Luis Alano, FOIC; Lt. Gen. Noel Coballes, Commanding General of the Philippine Army; PSG Group Commander Brig. Gen. Ramon Mateo Dizon; retire Major General Jose Angel Honrado; Mr. Richard Dy; 2013 PSG awardees; officers, enlisted personnel, and civilian employees of the Presidential Security Group; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang umaga po sa inyong lahat.

Sa paglilibot ko sa kalakhang bansa upang alamin at pabilisin pa ang pagsulong natin sa tuwid na daan, at sa pakikisalamuha sa ating mga kababayan—sa loob man o labas ng bansa—lagi kong kasama ang mga bumubuo sa Presidential Security Group. Sa ilalim man ng nagbabagang araw, o sa biglaang buhos ng ulan; sa harap man ng pulutong ng tao, o miski sa kakaunting pribadong oras na nakakahalubilo ko kayo—buong-lakas at buong-sigasig kayong nagsisilbi—para samahan akong tuparin ang mga sinumpaan kong tungkulin sa bayan.

Subalit hindi natin maikakaila: hindi pa rin ganap na nawawala ang masasamang loob na naghahanap ng butas sa bawat kilos natin; nariyan pa rin ang ilang nagnanais na maghasik ng kaguluhan at pagdududa upang idiskaril tayo sa landas na ating binabagtas. Sa kabila nito, kasama kong bumabangon araw-araw ang inyong hanay upang harapin ang bawat hamon na kaakibat ng ating trabaho. At hindi lamang sa loob ng mahigit dalawang taon at walong buwan nagsimula ang matibay nating samahan. Taong 1986 nang itatag ang Presidential Security Group sa ilalim ng panunungkulan ng aking ina at sa pamumuno ni Kalihim Voltaire Gazmin. Sa likod ng kaliwa’t kanang problema na ipinamana ng diktadurya, sa kabila ng mga tangkang muling panaigin ang karahasan at pagkakanya-kanya, itinindig ni Secretary Volts at ng PSG nang may buong dangal at tapang upang maitaguyod ang seguridad at kapayapaan sa bansa, at maipagtanggol ang nabawi nating demokrasya.

Matapos ang dalawampu’t pitong taon, ibang-iba na talaga ang PSG ngayon. Nasisiguro kong higit kailanman, nalulugod din kayo sa kompiyansa at tiwala ng sambayanan sa ating pamahalaan, lalo pa’t binabantayan ninyo hindi lamang ang seguridad ko at ng aking pamilya, kundi maging ng buong institusyon na ating pinaglilingkuran.

Sa tagal na nating magkakasama, maaaring nasabi ko na lahat ng puwede kong sabihin sa PSG. Gayumpaman, hindi ako mauubusan ng dahilan upang pasalamatan kayo sa pagtataya ng inyong mga sarili sa ngalan ng serbisyo sa bandila. Kaya naman, sa pangunguna ni Brigadier General Chito Dizon, muli ko kayong pinapasalamatan sa isa na namang makabuluhan at matagumpay na taon ng inyong hanay. Saludo at tinitingala ko kayo sa inyong tibay at walang-kapagurang dedikasyong maglingkod.

Hindi na nga po ako magtataka kung marami sa inyo ay kabisado na ang laman ng aking mga talumpati at baka ginagaya na n’yo ang aking pagbigkas nito. Kasama ko kayo sa tuwing ibinabandila ko sa mga salu-salo ang paulit-ulit nating pagbasag sa record-high ng Philippine Stock Exchange Index. Marahil, memoryado na rin ninyo ang datos tungkol sa mahigit 3.8 milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nariyan kayo nang maisabatas ang Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Act, kung saan pitumpu’t limang bilyong piso ang inilaang pondo sa pagpapatibay ng ating Hukbong Sandatahan. At tulad ko, alam kong nagalak rin kayo nang malagdaan ng MILF at ng pamahalaan ang Framework Agreement on the Bangsamoro, na magbibigay-daan sa malawakang kapayapaan sa Mindanao. Totoo po: Hindi tayo aabot sa puntong ito kung wala ang bawat isa sa inyo. Sa bawat sandali ng tagumpay natin sa tuwid na daan, nandiyan kayo; kasama kayo sa gumawa ng pagbabagong tinatamasa ngayon ng sambayanang Pilipino.

Ngayon, mayroon pa tayong tatlong taon at higit kumulang apat na buwan sa administrasyon. At bilang Pangulo, mahaba pa ang listahan ng mga imbitasyon sa ating dumalo sa kaliwa’t kanang anibersaryo’t salo-salo. Hindi po nagbabago ang hangad ko sa nalalabi pa nating panahon sa gobyerno: na sa tuwing tutungo tayo sa anumang pagtitipon, buo ang loob nating dumalo rito dahil alam nating papasok tayo ng pinto—hindi para makipagbolahan o makipag-Kodakan sa mga tao—kundi dahil totoong may ilalahad tayong mabuting balita para sa bansa, totoong may ihahatid tayong serbisyo sa Pilipino, na totoong umuunlad na ang Pilipinas. At muli, kasama ko kayo sa bawat pagkakataong ito. Patuloy lang ninyong paghusayan ang inyong trabaho; patuloy rin akong kakayod sa paglilingkod, at tiwala ako: tuloy-tuloy na ang pag-arangkada natin tungo sa malawakan at ganap na pagbabago.

Bago po ako magtapos: Alam n’yo talagang hindi ko maiwasan kundi magbalik-tanaw. Noong 1986, colonel ang ating butihing Kalihim ng Tanggulang Pambansa, maitim ang kanyang buhok; ngayon po’y maputi na. Ako naman po’y long hair noon; ngayon po’y hair na lang ang naiwan. [Laughter] Si Col. Caparas yata noon ay tinyente o kapitan; ngayon po ay colonel na.

Pero, talaga hong maraming pinagsubukan ang inyong command; talagang mahaba ang kasaysayan. Huwag po nating kakalimutan, simpleng simple lang po ang misyon. Ang ginagawa natin ngayon ay hindi pagpapalit lang sa puwesto kundi pagbabago ng ating lipunan, kung saan ipapamana natin sa salinlahi ang talagang kakaibang Pilipinas. Kayo ang kalasag natin laban sa mga taong nakinabang at gustong pabalikin ang panahon ng pansariling kapakanan, panahon ng puro panlalamang. Kayo po ang kalasag ng sambayanang Pilipino.

Muli, maligayang anibersaryo sa lahat ng bumubuo ng Presidential Security Group.

At sa ngalan ng sambayanan, maraming salamat po.

[HOME]