|
|
STATE
OF THE NATION ADDRESS OF HIS EXCELLENCY PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO
III
3rd Regular Session of the
15th Congress of the Philippines
Session Hall of the House of Representatives
Batasan Pambansa Complex, Quezon City
July 23, 2012 |
|
| |
|
|
| |
DOWNLOAD FULL TEXT:
SONA 2012 (English Version)
|
SONA 2012 (Tagalog Version) |
|
| |
|
|
| |
Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat.
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise
Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at
Joseph Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng
Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko;
mga kagalang-galang na miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado;
mga pinuno ng pamahalaang lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga
unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa kong
nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa akin pong mga boss, magandang
hapon po.
Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang nagsimula
tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang
tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating
iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang
panlipunan.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo, “Sawa na kami sa
korupsyon; sawa na kami sa kahirapan.” Oras na upang ibalik ang isang
pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.
Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan.
Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas Militar.
Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang
aking ama; tatlong taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya;
naging saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito
napanday ang aking prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng
karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung may abusadong mapang-api, siya
ang lalabanan ko. Kung may makita akong mali sa sistema, tungkulin kong
itama ito.
Matagal nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo noon: “Kung hindi
tayo, sino pa?” at “Kung hindi ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang
tugon natin: tayo at ngayon na. Ang demokrasyang ninakaw gamit ang
paniniil at karahasan, nabawi natin sa mapayapang paraan; matagumpay
nating pinag-alab ang liwanag mula sa pinakamadilim na kabanata ng ating
kasaysayan.
Ngunit huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar:
Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa
kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan
ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng
panlalamang.
Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa
atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos
ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang
benepisyo. Ang labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga
estasyon, mula lima, naging dalawa. Ang masaklap po, pinapabayaran na sa
atin ang utang nito, now na.
Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila ng
pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong
pinasingaw ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa
PNP na isinantabi ang pangangailangan sa armas ng 45 porsiyento ng
kapulisan, para lang kumita mula sa lumang helicopter na binili sa
presyong brand new.
Wala na ngang iniwang panggastos, patung-patong at sabay-sabay pa ang
mga utang na kailangang bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na
tungkulin nating punuan: Ang 66,800 na backlog sa classrooms, na
nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion pesos; ang 2,573,212 na
backlog sa mga upuan, na nagkakahalaga naman ng 2.31 billion pesos. Nang
dumating tayo, may halos tatlumpu’t anim na milyong Pilipinong hindi pa
miyembro ng PhilHealth. Ang kailangan para makasali sila: maaaring
umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa po natin sa lahat ng iyan ang 103
billion pesos na kailangan para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan.
Sa harap ng lahat ng ito, ang iniwan sa ating pondo na malaya nating
magagamit: 6.5 percent ng kabuuang budget para sa natitirang anim na
buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong isinabak sa laban nang
nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang mga mata, at
kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.
Kaya nga sa unang tatlong buwan ng aming panunungkulan, inaabangan namin
ang pagdating ng Linggo para maidulog sa Panginoon ang mga bangungot na
humaharap sa amin. Inasahan naming mangangailangan ng ‘di bababa sa
dalawang taon bago magkaroon ng makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya
tayo ng sapat na pag-unawa ng taumbayan?
Subalit kung may isang bagay mang nakatatak na sa ating lahi, at
makailang ulit na nating pinatunayan sa buong mundo: Walang hindi
makakaya ang nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng pagbabago;
nakamit natin ang pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito.
Ang kalsadang pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang
tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
Ang sitwasyon kung paparating ang bagyo: nakaabang na ang relief, at
hindi ang tao ang nag-aabang ng relief. Nag-aabang na ring umalalay ang
rescue services sa taumbayan, at hindi tayo-tayo lang din ang
sumasaklolo sa isa’t isa. Karaniwan na po ito.
Ang wang-wang sa lansangan, galing na lang sa pulis, ambulansya, o
bumbero—hindi sa opisyal ng gobyerno. Karaniwan na rin po ito. Ang
gobyernong dating nang-aabuso, ngayon, tunay na kakampi na ng Pilipino.
Nagpatupad po tayo ng reporma: tinanggal ang gastusing hindi kailangan,
hinabol ang mga tiwali, at ipinakita sa mundong open for business under
new management na ang Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia, ngayon, punung-puno na ng sigla. Nang
nagkaroon tayo ng positive credit rating action, ang sabi ng iba,
tsamba. Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin kaya? Sa Philippine Stock
Exchange index, nang una nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga
nagduda. Ngayon, sa dami ng all-time high, pati economic managers,
nahirapan yata sa pagbilang, at ako rin po ay nagulat: nakakaapatnapu’t
apat na pala tayo, at bihira nang bumaba sa 5,000 ang index. Nito pong
first quarter ng 2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya
ang layo niyan sa mga prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast
Asian region; pangalawa po ito sa Asya, sunod lang tayo sa Tsina. Kung
dati po, tayo ang laging nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na
ang nagpapautang. Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila na
ang dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong, ang sabi
ay, “Baka gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura, pero
una naman kami sa teknolohiya.” Pati pinuno ng isang bangko sa
Inglatera, kamakailan nakikiusap maisali sa pila.
Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng paghanga ang mga komentarista.
Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote: “Keep an eye on the
Philippines.” Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga pinuno ng
ASEAN 100, nagsabing maaari daw tayong maging, and I quote, “Asia’s Next
Tiger.” Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market Equities and
Global Macro ng Morgan Stanley, I quote: “The Philippines is no longer a
joke.” At mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang
bilyong dolyar ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin pong bansa. Sana
nga po, ang kaliwa’t kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na ng
lokal na tagapagbalita.
Sinisiguro po nating umaabot ang kaunlaran sa mas nakakarami. Alalahanin
po natin: Nang mag-umpisa tayo, may 760,357 na kabahayang benepisyaryo
ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Tinarget [target] natin itong
paabutin sa 3.1 million sa loob ng dalawang taon. Pebrero pa lang po ng
taong ito, naiparehistro na ang ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo
ng Pantawid Pamilya. Sa susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang
sakop nito sa 3.8 milyong bahay; limang beses po ang laki niyan sa
dinatnan natin.
Pangmatagalan po ang impact ng proyektong ito. Hindi pa kumpleto ang mga
pag-aaral, pero ngayon pa lang, maganda na ang ipinapakita ng numero.
Base sa listahan ng DSWD: May 1,672,977 na mga inang regular nang
nagpapacheck-up. 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa
diarrhea, polio, tigdas at iba pa. Four point fifty-seven million na
estudyanteng hindi na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan.
Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo, animnapu’t dalawang
porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa PhilHealth. Ang
masaklap, hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga totoong
nangangailangan ng kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit sa
politiko. Ngayon po, 85 percent ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito.
Ang ibig pong sabihin, 23.31 million na Pilipino ang naidagdag sa mga
saklaw ng PhilHealth mula nang bigyan tayo ng mandato.
Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na pinakamahirap na kabahayang
tinukoy ng National Household Targeting System, buong-buo at
walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. Dahil po sa
No Balance Billing policy ng Department of Health, ang lunas para sa
dengue, pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga
catastrophic disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute
leukemia, makukuha na nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan.
Ito po ang proseso ng pagpapagamot para sa kanila: Papasok ka sa
alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang iyong PhilHealth card.
Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang walang inilabas ni isang
kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga briefing na dinaluhan natin, apat sa sampung
Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng health professional sa tanang
buhay nila. Sa iba po, mas malaki pa: may nagsasabing anim sa bawat
sampung Pilipino ang pumapanaw nang malayo sa kalinga ng health
professional. Anuman ang ating pagbatayan, hindi po maikakaila:
nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong hindi naaabot ang serbisyong
pangkalusugan ng pamahalaan. Tinutugunan na po natin ito. Mula sa
sampung libo noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang mga nurse at
midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program. Idagdag pa po
natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong Community Health Teams
na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan ng mga doktor
at nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang ang mga nurse kung saan makursunadahan ng
kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang targeting, kung saan sila
kailangan, doon sila ipinapadala: sa mga lugar na matagal nang naiwan sa
laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang ating mga health professional sa
1,021 na pook na saklaw ng Pantawid Pamilya, at sa 609 na
pinakamahihirap na lungsod at munisipyo, ayon sa pag-aaral ng National
Anti-Poverty Commission.
Dalawang problema po ang natutugunan nito: bukod sa nagkakatrabaho at
nabibigyan ng work experience ang libu-libong nurse at midwife na dati
ay walang mapaglalaanan ng kanilang kaalaman, nagiging abot-kamay din
ang dekalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating kababayan.
Subalit hindi pa po tayo makukuntento rito, dahil ang hangad natin:
kalusugang pangkalahatan. Nagsisimula ito, hindi sa mga pagamutan, kundi
sa loob mismo ng kanya-kanya nating tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna,
at checkup ang kailangan upang mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po
diyan ang pagsisikap nating iwasan ang mga sakit na puwede namang
iwasan.
Halimbawa: Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue noong nakaraang
taon.Alam naman po ninyo, ang mga syantipiko mahigpit sa pagsisiyasat.
Maaga pa para sabihing siguradong-sigurado na tayo, pero nakaka-engganyo
po ang mga paunang resulta nitong programang ito.
Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga lugar kung saan naitala
ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong probinsya ng Bukidnon
noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga mosquito trap noong
2011: mukhang nakatulong dahil bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent
raw po ang reduction po ito. Sa bayan ng Ballesteros at Claveria sa
Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo
na lang ang naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue
noong 2010, naging apat na lang noong 2011.
Panimulang pag-aaral pa lamang po ito. Pero ngayon pa lang, marapat na
yata nating pasalamatan sina Secretary Ike Ona ng DOH at Secretary Mario
Montejo ng DOST, Wala naman tayong masyadong umento, [palakpak ninyo na
lang] para naman ganahan silang lalong magsaliksik at mag-ugnayan.
Marami pa po tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala ang mataas pa
ring maternal mortality ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng mga
hakbang upang tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan.
Nais din nating makamit ang Universal Health Care, at magkaroon ng sapat
na kagamitan, pasilidad, at tauhan ang ating mga institusyong
pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng Sin Tax Bill.
Maipasa na po sana ito sa lalong madaling panahon. Mababawasan na ang
bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong sa kabataan pagpasok sa paaralan? Sa lilim
ng puno pa rin kaya sila unang matututo ng abakada? Nakasalampak pa rin
kaya sila sa sahig habang nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin kay Secretary Luistro: Bago matapos ang
susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na kakulangan sa
silid-aralan. Ulitin ko po, next year pa po ‘yan; 40,000 pa lang this
year. Ang minana po nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan na rin
nating matutugunan bago matapos ang 2012. Sa taon din pong ito,
masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang maabot
na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. Sana nga
po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag
uling magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po,
Responsible Parenthood ang sagot dito.
At para naman po hindi mapag-iwanan ang ating mga State Universities and
Colleges, mayroon tayong panukalang 43.61 percent na pag-angat sa
kanilang budget para sa susunod na taon. Paalala lang po: lahat ng
ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang
dagdag-budget na ito. Kailangang ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform
Roadmap ng CHED at ng kaukulang state colleges and universities, upang
siguruhing dekalidad ang magiging produkto ng mga pamantasang
pinopondohan ng estado. Kung mataas ang grado ninyo sa assignment na
ito, asahan ninyong dodoblehin din namin ang kayod para matugunan ang
mga natitirang pangangailangan po ninyo.
Panay addition po ang nagaganap sa ating budget sa edukasyon. Isipin po
ninyo: ang budget ng DepEd na ipinamana sa atin noong 2010, 177 billion
pesos. Ang panukala natin para sa 2013: 292.7 billion pesos. Noong 2010,
21.03 billion pesos ang budget para sa SUCs. Taunan po iyang dinagdagan
upang umabot na sa 37.13 billion pesos na panukala natin para sa 2013.
Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang magcut-classes
para mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas malaki
sa 177, at ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may magsasabi pa
ring binawasan natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin na lang
namin ang inyong mga paaralan na maghandog ng remedial math class para
sa inyo. [Laughter and applause] At sana po, sa mga klaseng iyon,
pakiusap po, pasukan naman ninyo.
Nang maupo tayo, at masimulan ang makabuluhang reporma, minaliit ng ilan
ang pagpapakitang-gilas ng pamahalaan. Kundi raw buwenas, ningas-kugon
lang itong mauupos rin paglaon. May ilan pa rin pong ayaw magretiro sa
paghahasik ng negatibismo; silang mga tikom ang bibig sa good news, at
ginawang industriya na ang kritisismo.
Kung may problema kayo na bago matapos ang taon, bawat bata ay may
sarili nang upuan at aklat, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin
ninyong, “Ayaw kong makapag-aral ka.”
Kung masama ang loob ninyo na ang 5.2 million na pinakamahihirap na
kabahayang Pilipino ay maaari nang pumasok sa ospital nang hindi
iniintindi ang gastos sa pagpapagamot, tingnan ninyo sila ulit, mata sa
mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong gumaling ka.”
Kung nagagalit kayo na may tatlong milyong pamilyang Pilipino nang
tumutungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap dahil sa Pantawid
Pamilya, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ibabalik
ko kayo sa kawalan ng pag-asa.”
Tapos na ang panahon kung kailan choice lang ng makapangyarihan ang
mahalaga. Halimbawa, ang dating namumuno sa TESDA, nagpamudmod ng mga
scholarship voucher; ang problema, wala palang nakalaang pondo para
rito. Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala: 2.4 billion pesos ang
sinisingil ng mahigit isanlibong eskwelahan mula sa pamahalaan.
Nagpapapogi ang isang tao’t isang administrasyon; sambayanang Pilipino
naman ang pinagbabayad ngayon.
Pumasok si Secretary Joel Villanueva; hindi siya nagpasindak sa tila
imposibleng pagbabagong dapat ipatupad sa kanyang ahensya. Sa kabila ng
malaking utang na minana ng TESDA, 434,676 na indibidwal pa rin ang
kanilang hinasa sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program.
Kongkretong tagumpay din po ang hatid ng TESDA Specialista
Technopreneurship Program (mas mahirap pong bigkasin kaysa sa resulta).
Biruin po ninyo: Bawat isa sa 5,240 na sertipikadong Specialistas,
kumikita na ngayon ng 562 pesos kada araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas
malaki pa po ito sa minimum wage.
Mula sa pagkasanggol, hanggang sa pagkabinata, gumagana na ang sistema
para sa mamamayan. Sinisiguro nating manganganak ng trabaho ang pagsigla
ng ating ekonomiya.
Alalahanin po natin: para tumabla lang, kailangang makalikha taun-taon
ng isang milyong bagong trabaho para sa mga new entrants. Ang nalikha po
natin sa loob ng dalawang taon: halos 3.1 million na bagong trabaho.
Ito po ang dahilan kung bakit pababa nang pababa ang unemployment rate
sa bansa. Nang dumating tayo, eight percent ang unemployment rate.
Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011, at bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong
taon, sa buwan rin ng Abril. ‘Di po ba makatwirang mangarap na balang
araw, bawat Pilipinong handang magbanat ng buto, may mapapasukang
trabaho?
Tingnan na lamang po natin ang BPO sector. Noong taong 2000, limanlibo
katao lang ang naempleyo sa industriyang ito. Fast forward po tayo:
638,000 katao na ang nabibigyang trabaho ng mga BPO, at labing-isang
bilyong dolyar ang ipinasok nito sa ating ekonomiya noong taong 2011.
Ang projection nga po, pagdating ng 2016, kung saan ako po ay
magpapaalam na sa inyo, 25 billion dollars na ang maipapasok nito, at
makakapag-empleyo ng 1.3 million na Pilipino. Hindi pa po kasama rito
ang tinatayang aabot sa 3.2 million na mga taxi driver, barista, mga
sari-sari store, karinderya, at marami pang ibang makikinabang sa mga
indirect jobs na malilikha dahil sa BPO industry.
Malaking bahagi din po ng ating job-generation strategy ang pagpapatayo
ng sapat na imprastruktura. Sa mga nakapagbakasyon na sa Boracay, nakita
na naman ninyo ang bagong-binyag nating terminal sa Caticlan. Nakalatag
na rin po ang plano upang palawakin ang runway nito.
Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid: bago matapos ang aking termino,
nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, New Legaspi Airport sa
Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. Ia-upgrade na rin
po natin ang ating international airports sa Mactan, Puerto Princesa, at
Tacloban. Dagdag pa po diyan ang pagpapaganda ng mga airport sa Butuan,
Cotabato, Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte, at San Vicente
sa Palawan. Kami po sa Tarlac ay maghihintay na lang. [Laughter]
Pang-apat na Pangulo na po akong sasalo sa problema ng NAIA 3. Hindi
lang po eroplano ang nag-take off at nag-landing dito: maging mga
problema’t anomalya, lumapag din. Nagbitiw na po ng salita si Secretary
Mar Roxas: bago tayo magkita sa susunod na SONA, maisasaayos na ang mga
structural defects na minana natin sa NAIA 3.
Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad ang proseso para sa LRT Line 1
Cavite Extension project, na magpapaluwag sa trapik sa Las Piñas,
Parañaque, at Cavite. Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag ang traffic
sa Kamaynilaan at mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang South
Luzon Expressway, magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector.
Matatapos po ang mga ito sa 2015. Magiging one hour and 40 minutes na
lang ang biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga
ito. Bago po tayo bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad
na terminal sa Taguig, Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus
biyaheng probinsya, upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
Nagbago na po ang takbo ng usapan tungkol sa ahensyang dati’y
itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala ko po dati: Kapag tag-ulan
at umapaw ang Tarlac River, nalulunod ang MacArthur Highway. Tutunawin
nito ang aspalto; magbabaku-bako ang kalsada hanggang sa tuluyan na nga
itong mawawala. Bilang kinatawan noon ng aking distrito, inireklamo ko
po ito. Ang tugon ng DPWH: alam namin ang problema, alam namin ang
solusyon, pero wala kaming pera. Kinailangan ko pong makiusap sa aking
mga barangay, at ang sabi ko po sa kanila ay “Kung hindi natin ito
uunahin, walang gagawa nito, at tayo rin ang mapeperhuwisyo.” Dati,
panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno, bakit wala daw kasing ginagawa.
Ngayon ang reklamo, “sobra namang trapik, ang dami kasing ginagawa.”
[Laughter and applause] Paalala lang din po: naisasaayos na natin ang
mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis.
Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa kickback o kursonada, pero ayon
sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi na bara-bara ang paglalagak
natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi na ito mapapako sa plano,
totoong kalsada na ang pakikinabangan ng Pilipino. Nang maupo po tayo sa
puwesto, 7,239 kilometers sa ating national road network ang hindi pa
naisasaayos. 1,569 kilometers na nito ang naipaayos natin sa ilalim ng
pamamahala ni Secretary Babes Singson; sa 2012—2,275 kilometers pa ang
maidadagdag na natapos na rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang
mapanganib, tinutukoy at inaayos na gamit ang teknolohiya. Taun-taon po
nating bubunuin ito, upang bago matapos ang aking termino, bawat pulgada
ng ating national road network, maayos na po. Siyempre ‘wag la lang po
n’yo dagdagan ang national road network.
Hindi lang kalsada, kundi pati sistema, isinasaayos sa DPWH. Dahil sa
pagsunod sa tamang proseso ng bidding at procurement, 10.6 billion pesos
na ang natipid ng kanilang ahensya mula 2011 hanggang nitong Hunyo.
Maging mga kontratista, batid ang positibong bunga ng reporma sa DPWH.
Sabi nga po nila, “ang top 40 na kontratista, fully booked na raw po.”
Sana po hindi maantala ang pagpapatayo natin ng iba pang imprastraktura
para hindi rin mapurnada ang paglago ng ibang industriya.
Kaakibat ng pagpapaunlad ng imprastruktura ang paglago ng turismo.
Isipin po ninyo: Noong 2001, ang tourist arrivals sa ating bansa, 1.8
million. Nang dumating po tayo noong 2010, naglalaro ito sa 3.1 million.
Mantakin po ninyo: sa hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang
naidagdag nilang tourist arrivals, 1.3 million lamang; may ambag pa
kaming kalahating taon diyan. Tayo naman po, Hunyo pa lang ng 2012—2.1
million na turista na ang napalapag. Mas marami pang dadagsa sa peak
season bago matapos ang taon, kaya hindi ako nagdududang maaabot natin
ang quota na 4.6 million na turista para sa 2012. Ibig sabihin po: 1.5
million na turista ang ating maidadagdag. Samakatuwid, sa dalawang taon,
mas malaki ang magiging paglago ng ating tourist arrivals, kumpara sa
naidagdag ng pinalitan natin sa loob ng siyam at kalahating taon. Hindi
po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi lang po tayo ng totoo.
Pero hindi nakuntento rito si Secretary Mon Jimenez. Sabi niya, kung sa
Malaysia may bumisitang 24.7 million na turista noong 2011, at kung sa
Thailand naman tinatayang 17 million, sa dinami-rami ng magagandang
tanawin sa ating bansa, hindi naman siguro suntok sa buwan kung mangarap
tayong pagdating ng 2016, sampung milyong turista na ang bibisita sa
Pilipinas kada taon. Kung patuloy na magkakaisa ang sambayanang
Pilipino, gaya ng ipinamalas nating hirangin ang Puerto Princesa
Underground River bilang isa sa New Seven Wonders of Nature, walang
dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag nga po natin sa daigdig: “It’s
more fun in the Philippines.” Kahit wala pang isang taon sa puwesto si
Secretary Mon Jimenez, nagagapas na natin ang positibong bunga ng ating
mga naipunlang reporma. Masasabi nga po nating pagdating sa turismo,
“It’s really fun—to have Secretary Mon Jimenez as our Secretary.”
Kung paglago po ang usapan, nasa tuktok ng listahan ang agrikultura.
Kayod-kalabaw po si Secretary Alcala upang makapaghatid ng mabubuting
balita. Dati, para bang ang pinapalago ng mga namumuno sa DA ay ang
utang ng NFA. Twelve billion pesos ang minana nilang utang; ang
ipinamana naman nila sa atin, 177 billion pesos.
Hindi po ba’t noon, pinaniwala tayo na 1.3 million metric tons ang
kakulangan sa bigas, at para tugunan ito, ‘di bababa sa two million
metric tons ang kanilang inangkat noong 2010. Parang unlimited rice sila
kung maka-order ng bigas, pero dahil sobra-sobra, nabubulok lang naman
ito sa mga bodega. Ang 1.3 million metric tons, unang taon pa lang,
napababa na natin sa 860,000 metric tons. Ngayong taon, 500,000 na lang,
kasama pa ang buffer sakaling abutin tayo ng bagyo. Huwag lang po tayong
pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong
mag-export ng bigas.
Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang susi dito, makatotohanang programa
sa irigasyon, at masigasig na implementasyon ng certified seeds program.
Ang masakit po, hindi bagong kaalaman ito; hindi lang ipinapatupad. Kung
dati pa sila nagtrabaho nang matino, nasaan na kaya tayo ngayon?
Tingnan rin po natin ang industriya ng niyog at ang cocowater na dati
tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng magsasaka. Noong
2009—483,862 liters ng cocowater ang iniluwas natin. Umangat po ito ng
1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong magugulat: noong 2011:
16,756,498 liters—puwede ho bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng
cocowater ang in-export ng Pilipinas. Ang coco coir naman, kung dati
walang pumapansin, ngayon may shortage na dahil pinapakyaw ng mga
exporter. Hindi natin sasayangin ang pagkakataong ito: bibili pa tayo ng
mga bagong makinang magpoproseso ng bunot para makuha ang mga hiblang
ginagawa mula sa coco coir. Sa susunod na taon, lalo nating
mapapakinabangan ang industriya ng niyog: Naglaan na tayo ng 1.75
billion pesos upang mamuhunan at palaguin ito.
Sinimulan po ng aking ina ang Comprehensive Agrarian Reform Program.
Nararapat lamang na matapos ang programang ito sa panahon ng aking
panunungkulan.
Isinasaayos na po ang sistema upang mapabilis ang pagpapatupad ng
repormang agraryo. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang
maipamahagi sa ating magsasaka ang mga lupaing diniligan at pinagyaman
ng kanilang pawis. Subalit mayroon pa rin pong ayaw paawat sa pagtatanim
ng mga balakid. Ang tugon ko sa kanila: susunod tayo sa batas. Ang atas
ng batas, ang atas ng taumbayan, at ang atas ko: Bago ako bumaba sa
puwesto, naipamigay na dapat ang lahat ng lupaing sakop ng CARP.
Liwanagin naman po natin ang nangyayari sa sektor ng enerhiya. Mantakin
po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad ng kuryente sa barangay hall,
“energized” na raw ang buong barangay. Kaya ganun na lang kung
ipagmalaki nilang 99.98 percent na raw ng mga barangay sa bansa ang may
kuryente. Pati ba naman sa serbisyong dapat ay matagal nang
napapakinabangan ng Pilipino, nagkakagulangan pa? Kaya nga po, para
subukan ang kakayahan ng DOE at NEA, naglaan tayo ng 1.3 billion pesos
para pailawan ang unang target na 1,300 sitios, sa presyong isang
milyong piso bawat isa. Nang matapos sila, ang napailawan sa inilaan
nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos lamang sila ng 814 million
pesos. Nagawa nila ito sa loob lamang ng tatlong buwan, at mas marami pa
pong gagawin dito hangga’t matapos ang 36,000 sitios, na dati’y inaabot
ng dalawang taon. Kay Secretary Rene Almendras, bilib talaga ako sa iyo;
parang hindi ka nauubusan ng enerhiya. Sa paghahatid-serbisyo, hindi ka
lang eveready, nagmistulang energizer bunny ka pa—you keep on going, and
going, and going.
Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa ating bayan—liwanag na nagsiwalat
sa krimeng nagaganap sa madidilim na sulok ng lipunan. Ang
pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na magagantso. Patuloy po ang
pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang mahigit limandaan libong
krimen na naitala noong 2009, mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958
na lamang iyan nitong 2011. Dagdag pa rito: ang dating dalawanlibo’t
dalawandaang kaso ng carnapping noong 2010, lampas kalahati rin ang
ibinaba: 966 na lang po iyan pagdating ng 2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline. Hindi po natin
sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po, wala
dapat magalit na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na matagal
nang labas-masok sa kulungan, hindi ba’t sa loob lamang ng mahigit isang
taon, nasentensyahan at naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay
sinampahan na rin natin ng kaso at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May
dalawang suspect sa bus bombing sa Makati noong nakaraang taon, ang isa
po’y pumanaw na; ‘yung isa, humihimas na ng rehas. Kakosa niya ang
mahigit sampung libong sangkot sa ilegal na droga na inaresto ng PDEA
nitong 2011.
Alam po nating hindi araw-araw ang laban ni Pacman, at hindi puwedeng
iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga po pinalalakas natin ang
puwersa ng kapulisan. ‘Di po ba, nang dumating tayo, apatnapu’t limang
porsyento ng ating kapulisan ang walang baril at umaasa sa anting-anting
habang tumutugis ng masasamang-loob? [Laughter] May nanalo na po sa
bidding, tinitiyak na lamang nating dekalidad ang kanilang mga produkto.
Pagkatapos ng proseso, at itong taon po nating inaasahan ito,
maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na magagamit nila upang
ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili.
Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan. May mga nagsabi
na po na ang ating Air Force, “all air, at no force.” [Laughter] Imbes
na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa alanganin ang
ating mga sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling ganito.
Makalipas nga lang po ang isang taon at pitong buwan, nakapaglaan na
tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso para sa AFP
Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t tatlong bilyong
pisong pondo na ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas na
labinlimang taon. Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na ‘yan: kapag
naipasa na ang panukala nating AFP modernization bill sa Kongreso,
makakapaglaan tayo ng pitumpu’t limang bilyong piso para sa susunod na
limang taon.
Kasado na rin po ang tatlumpung milyong dolyar na pondong kaloob ng
Estados Unidos para sa Defense Capability Upgrade and Sustainment of
Equipment Program ng AFP. Bukod pa po ito sa tulong nila upang pahusayin
pa ang pagmanman sa ating mga baybayin sa ilalim ng itatayong Coast
Watch Center ng Pilipinas.
Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang Lakas ng mga kagamitan tulad ng
mga kanyon, armored personnel carrier, at frigates. Hindi magtatagal,
dadaong na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa ating pampang. Sa
Enero, aangkla na po sa Pilipinas ang BRP Ramon Alcaraz, ang pangalawa
nating Hamilton class cutter. ‘Di na po bangkang papel ang ating
ipapalaot; ngayon po, mga hi-tech at dekalidad na barko na ang tatanod
sa 36,000 kilometers nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung maglilinis-linis na ng mga hangar ang ating
Sandatahang Lakas, dahil darating na ang mga kagamitang lalong
magpapatikas sa ating tanggulan. Sa wakas, may katuwang na po ang
kaisa-isa nating C-130 na tatlumpu’t anim na taon nang rumoronda sa
himpapawid: dalawa pang C-130 ang magiging operational ulit sa taong
ito. Bago matapos ang taong ito, inaasahan nating mai-dedeliver na ang
binili nating dalawampu’t isang refurbished UH-1H Helicopter, apat na
combat utility helicopters, mga radyo’t iba pang communication
equipment, rifles, mortars, mobile diagnostic laboratories, kasama na
ang bullet station assembly. Pagdating naman po ng 2013, lalapag na ang
sampung attack helicopters, dalawang naval helicopters, dalawang light
lift aircraft, isang frigate, at mga force protection equipment.
At hindi lang po natin sa armas ipinaparamdam ang pagkalinga sa ating
pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin po ang mga pasanin nila sa
pamumuhay dahil sa mahigit dalawampu’t dalawang libong bahay ang
naipatayo na sa ilalim ng AFP–PNP housing program.
Hindi po ito tungkol sa pakikipaggirian o pakikipagmatigasan. Hindi ito
tungkol sa pagsisiga-sigaan. Tungkol ito sa pagkamit ng kapayapaan.
Tungkol ito sa kakayahan nating ipagtanggol ang ating sarili—isang bagay
na kaytagal nating inisip na imposible. Tungkol po ito sa buhay ng isang
sundalong araw-araw sumasabak sa peligro; tungkol ito sa pamilya niyang
nag-aabang na makabalik siyang ligtas, ano man ang kanyang makaharap.
Hayaan po nating ang ilang mga benipisyaryo ang magbigay ng
kani-kanilang mga kuwento:
At ngayon ngang inaaruga na sila ng taumbayan, lalo namang ginaganahan
ang ating kasundaluhan na makamtan ang kapayapaan. Tagumpay pong
maituturing ang dalawandaan at tatlong rebeldeng sumuko at
nagbabalik-loob na sa lipunan, at ang 1,772 na bandidong nawakasan na
ang karahasan. Halimbawa po ang kilabot na teroristang si Doctor Abu, na
hindi na makakapaghasik ng kaniyang lagim. Nagpupugay rin po tayo sa
panunumbalik ng katahimikan sa mga lugar na matagal nang biningi ng
putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365 na barangay ang naagaw sa
kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang naipaayos, at 74 health
centers ang naipagawa.
Kung kapayapaan na lang din po ang usapan, dumako naman tayo sa lugar na
matagal naging mukha ng mga mithiing ‘di makamtan-kamtan. Bago po
magsimula ang mga reporma natin sa ARMM, at alam naman po n’yo, may mga
ghost students doon, na maglalakad sa isang ghost road, tungo sa isang
ghost school, para magpaturo sa isang ghost teacher. Ang mga aparisyon
pong gumulantang kay OIC Governor Mujiv Hataman: Apat na eskuwelahan na
natagpuang may ghost students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na
hindi lumilitaw ang pangalan sa talaan ng Professional Regulation
Commission, gayundin ang mga tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa
plantilya. Limampu’t limang ghost entry ang tinanggal sa payroll. Ang
dating paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa kalsada para lang
pagkakitaan ng pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga ahensya,
para maiwasan ang pagsasamantala. Ang mga multo sa voters list,
mapapatahimik na ang kaluluwa. Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman,
ang masasabi natin: talaga namang isa ka nang certified ghost buster.
Ang pumalit po, at pinapalit na: pabahay, tulay, at learning center para
sa mga Badjao sa Basilan. Mga community-based hatchery, lambat,
materyales para maglinang ng seaweeds, at punlang napakinabangan ng
2,588 na mangingisda. Certified seeds, punla ng gabi, cassava, goma, at
mga punong namumunga para sa 145,121 na magsasaka. Simula pa lang po
iyan: nakalaan na ang 183 million pesos para sa mga municipal fishing
port projects sa ARMM; 310.4 million pesos para sa mga istasyon ng
bumbero; 515 million pesos para sa malinis na inuming tubig; 551.9
million pesos para sa mga kagamitang pangkalusugan; 691.9 million pesos
para sa daycare centers; at 2.85 billion pesos para sa mga kalsada at
tulay na babagtas sa rehiyon. Ilan lang po iyan sa patutunguhan ng
kabuuang 8.59 billion pesos na ipinagkaloob ng pambansang gobyerno para
isakatuparan ang mga reporma sa ARMM. Lilinawin ko rin po: hindi pa
kasama rito ang taunang suportang natatanggap nila, na ngayong 2012 ay
umabot sa 11.7 billion pesos.
Miski po ang mga dating gustong tumiwalag, nakikita na ang epekto ng
reporma. Kinikilala natin bilang pahiwatig ng kanilang tiwala ang
nakaraang pitong buwan, kung kailan walang nangyaring sagupaan sa
pagitan ng militar at ng MILF. Sa peace process naman po: hayag at
lantaran ang usapan; nagpapamalas ang magkabilang panig ng tiwala sa
isa’t isa. Maaaring minsan, magiging masalimuot ang proseso; signos lang
po ito na malapit na nating makamit ang nag-iisa nating mithiin:
Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po ang prinsipyong isinulong natin upang mabuo
ang ating Executive Order ukol sa pagmimina. Ang kaisipan sa likod ng
nabuong consensus: mapakinabangan ang ating likas na yaman upang iangat
ang buhay ng Pilipino, hindi lamang ngayon kundi pati na rin sa susunod
na salinlahi. Hindi natin pipitasin ang ginintuang bunga ng industriyang
ito, kung ang magiging kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan.
Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin po ninyo: Noong 2010, 145
billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha mula sa pagmimina, subalit
13.4 billion pesos lamang o siyam na porsyento ang napunta sa kaban ng
bayan. Ang likas na yaman, pag-aari ninyo; hindi tayo papayag na balato
lang ang mapupunta sa Pilipino. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso
upang makapagpasa ng batas na sisigurong napapangalagaan ang kalikasan
at matitiyak na makatarungan ang magiging pakinabang ng publiko at
pribadong sektor sa mga biyayang makukuha natin mula sa industriyang
ito.
Pag-usapan po natin ang situwasyon sa Disaster Risk Reduction and
Management. Dati, ang gobyernong dapat tumutulong, nanghihingi rin ng
tulong. Ngayon, nasa Pasipiko pa lang ang bagyo, alam na kung saan
idedestino ang ayuda, at may malinaw nang plano upang maiwasan ang
peligro.
Tuwing pag-uusapan nga po ang sakuna, lagi kong naaalala ang nangyari po
sa amin sa Tarlac noong minsang bumagyo. Sa lakas ng ulan, bumigay ang
isang dike. Nang nagising ang isang barangay captain, tinangay na ng
baha ang kanyang pamilya at mga kagamitang pangsaka. Buti nga po’t
nakaligtas ang buong mag-anak. Malas lang po ng kalabaw nilang naiwang
nakatali sa puno; nabigti ito sa lakas ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po ang marami sa tinamaan ng bagyong Ondoy,
Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi sa paghagupit ng mga
delubyong ito. Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH, isinakay
natin sa iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at hindi na rin
po idinadaan sa tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit ang
teknolohiya, nabibigyan na ng wastong babala ang Pilipino upang
makapaghanda at makaiwas sa disgrasya.
Real-time at direkta na ang pakinabang ng walumpu’t anim na automated
rain gauges at dalawampu’t walong water level monitoring sensors natin
sa iba’t ibang rehiyon. Bago matapos ang 2013, ang target natin:
animnaraang automated rain gauges at apatnaraan at dalawampu’t dalawang
water level sensors. Ipapakabit po natin ang mga ito sa labingwalong
pangunahing river basins sa buong bansa.
Isa pa pong pagbabago: Dati, ang mga ahensya’y kanya-kanyang habulan ng
numero, kanya-kanyang agenda, kanya-kanyang pasikatan. Ngayon, ang
kultura sa gobyerno: bayanihan para sa kapakanan ng taumbayan.
Convergence po ang tawag natin dito.
Dati pa naman po naglipana ang mga programa sa tree planting. Pero
matapos magtanim, pababayaan na lang ang mga ito. Kapag nakita ng mga
komunidad na naghahanap din ng kabuhayan, puputulin ang mga ito para
gawing uling.
May solusyon na po rito. Mayroon na pong 128,558 hectares ng kagubatang
naitanim sa buong bansa; bahagi lang po iyan ng kabuuang 1.5 million na
ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa puwesto. Nakapaloob po rito ang
mga komunidad na nasa ilalim ng National Convergence Initiative. Ang
proseso: pagkatanim ng puno, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga
komunidad. Kapalit ng conditional cash transfer, aalagaan ang mga puno;
mayroon ding mga magpapalago ng bagong punla sa nursery. 335,078 na po
ang mga Pilipinong nakakakuha ng kabuhayan mula dito.
Sa isa nga pong programa, nakiambag din ang pribadong sektor, na
nagbibigay ng espesyal na binhi ng kape at cacao sa komunidad, at
tinuturuan silang alagaan at siguruhing mataas ang ani. Itinatanim ang
kape sa lilim ng mga puno, na habang nakatayo ay masisigurong hihigop ng
baha at tutulong makaiwas tayo sa pinsala. Ang kumpanyang nagbigay ng
binhi, sure buyer na rin ng ani. Panalo po ang mga komunidad nay may
dagdag kita, panalo ang pribadong sektor, panalo pa ang susunod na
salinlahing makikinabang sa matatayog na puno.
Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po nang lumapag
ang EO 23, nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim na milyong
pisong halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa lang
ito; paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng
LGU?
Ang mga trosong nakukumpiska ng DENR, lalapag sa mga komunidad na
naturuan na ng TESDA ng pagkakarpintero. Ang resulta: upuan para sa mga
pampublikong paaralan na hawak naman ng DepEd. Isipin po ninyo: ang
dating pinagmumulan ng pinsala, ngayon, tulay na para sa mas mabuting
kinabukasan. Dati, imposible nga ito: Imposible kung nagbubulag-bulagan
ang pamahalaan sa ilegal na gawain.
Kaya kayong mga walang konsensya; kayong mga paulit-ulit isinusugal ang
buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na kayo. Tapos na ang maliligayang
araw po ninyo. Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat na kawani ng
DENR, isang PNP provincial director, at pitong chief of police.
Pinagpapaliwanag na rin po natin ang isang Regional Director ng PNP na
nagbingi-bingihan sa aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang
trosong dumaan sa kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod
namin kayo. Magkubli man kayo sa ilalim ng inyong mga padrino, aabutan
namin kayo. Isasama na rin namin ang mga padrino ninyo. Kaya bago pa
magkasalubong ang ating landas, ako po’y muling makikiusap, mas maganda
sigurong tumino na kayo.
Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may pagbabago nang
haharap sa Pilipino. At sakaling piliin niyang magserbisyo sa gobyerno,
tuloy pa rin ang pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang pagreretiro.
Tatanawin ng pamahalaan ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at hindi
ipagdadamot sa kanya ang pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan.
Isipin po ninyo, at ako po’y nagulat dito: may mga pensyonado tayong
tumatanggap ng 500 pesos lamang kada buwan. Paano kaya niya ito
pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at pagkain araw-araw? Ang atin pong
tugon: Pagsapit ng bagong taon, hindi na bababa sa limanlibong piso ang
matatanggap na buwanang pensyon ng ating old-age and disability
pensioners. Masaya tayong matutugunan natin ang pangangailangan nila
ngayon, nang hindi isinusugal ang kapakanan ng mga pensyonado bukas.
Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na po sa pribadong
sektor ang ating pasahod para sa entry level. Pero kapag sabay kayong
na-promote ng kaklase mong piniling mag-pribado, nagkakaiwanan na.
Mahahabol din po natin iyan; pero sa ngayon, ang good news natin sa mga
nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance-Based Incentives. Dati, miski
palpak ang palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa rin ang
pinakamababang rating ng empleyado. Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang
bisor na bigyan ng makatarungang rating ang mga tauhan niya. Nakakawawa
tuloy ang mga mahusay magtrabaho; nawawalan sila ng dahilan para
galingan dahil parehas lang naman ang insentibo ng mga tamad at
pursigido.
Heto po ang isa lamang sa mga hakbang natin upang tugunan ito. Simula
ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung saan ang bonus ay
nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target para sa taon.
Nasa kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang insentibo,
maaaring umabot ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa
pagpapakitang-gilas mo sa iyong trabaho. Dagdag pa ito sa
across-the-board na Christmas bonus na matatanggap mo.
Ginagawa natin ito, hindi lamang para itaas ang kumpiyansa at ipakita
ang pagtitiwala natin sa ating mga lingkod-bayan. Higit sa lahat, para
ito sa Pilipinong umaasa sa tapat at mahusay na serbisyo mula sa
lingkod-bayan, at umaasang sila at sila lamang ang itinuturing na boss
ng kanilang pamahalaan.
Alam po niyo, sa simula pa lang mayroon nang mga kumuwestiyon sa
sinasabi nating, “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hanggang ngayon
mayroon pa rin pong mangilan-ngilang nagtatanong: nakakain ba ang
mabuting pamamahala? Ang simpleng sagot, “Siyempre.”
Isipin po natin ang ating pinanggalingan: Dati, parang “Wild West” ang
pamumuhunan sa Pilipinas. May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa ang
risko dahil sa di tiyak at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka nga
gamit ang kanan, kokotongan ka naman na gamit ang kaliwa.
Ngayon, dahil patas na ang laban, at may hayag at hindi pabagu-bagong
mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng kumpiyansa sa ating ekonomiya.
Patuloy ang pagpasok ng puhunan; patuloy ang pagdami ng trabaho; patuloy
ang positibong siklo ng pagkonsumo, paglago ng negosyo, at pagdami ng
mamamayang naeempleyo.
Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno, walang tagas sa sistema. Dahil
maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago ang kaban ng bayan. Bawat
pisong nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong diretso sa kalsada,
piso para sa bakuna, piso para sa classroom at upuan, piso para sa ating
kinabukasan.
Dahil maayos ang paggawa ng tulay, kalsada, at gusali, itinatayo ang mga
ito kung saan kailangan. Maayos ang daanan, mas mabilis ang takbo ng
produkto, serbisyo, at mamamayan.
Dahil maayos ang pamamahala sa agrikultura, tumataas ang produksyon ng
pagkain, at hindi pumapalo ang presyo nito. Stable ang pasahod, at mas
malakas ang pambansang ekonomiya.
Tunay nga po: Ang matatag at malakas na ekonomiyang pinanday ng mabuting
pamamahala ang pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon na kinakaharap
ng daigdig. Dalawang taon po nating binaklas ang mga balakid sa
pag-unlad, at ngayon, tayo na lang mismo ang makakapigil sa ating
sariling pag-angat.
Ginawa po natin ang lahat ng ito habang binubuno rin ng bawat bansa sa
iba’t ibang sulok ng daigdig ang kani-kanilang problema’t pagsubok.
Hindi po tayo nag-iisa sa mundo, kaya’t habang tinutugunan natin ang
sarili nating mga suliranin, angkop lamang na bantayan din ang ilang
pangyayaring maaaring makaapekto sa atin.
Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May mga
mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo. Nasabat ng barko natin
at nasabad sa kanilang mga barko ang endangered species. Bilang pinuno,
kailangan kong ipatupad ang batas na umiiral sa ating bansa. Sa
pagsulong nito, nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng mga Tsino, na
umaangkin sa halos buong West Philippine Sea, at ang karapatan natin at
ng marami pang ibang bansa, kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng
United Nations Convention on the Laws of the Sea.
Ibayong hinahon ang ipinamalas natin. Ang barko ng Hukbong Dagat, bilang
tanda ng ating malinis na hangarin, ay agad nating pinalitan ng barkong
sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan sa mga banat ng kanilang media sa
atin. Hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa kabilang panig na
galangin ang ating karapatan, gaya ng paggalang sa kanilang mga
karapatan bilang kapwa bansang nasa iisang mundong kailangang
pagsaluhan.
Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing hayaan na lang ang Bajo de
Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok sa inyong bakuran
at sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan ay sa kanya na, papayag
ba kayo? Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang
sadyang atin talaga.
Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa sa isyung ito.
Iisa lang po dapat ang kumpas natin. Tulungan ninyo akong iparinig sa
kabilang panig ang katuwiran ng ating mga paninindigan.
Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi magiging simple ang solusyon.
Magtiwala po kayo: kumokonsulta tayo sa mga eksperto, at sa lahat ng
pinuno ng ating bansa, pati na sa kaalyado natin—gayundin sa mga nasa
kabilang panig ng usaping ito—upang makahanap ng solusyon na
katanggap-tanggap sa lahat.
Sa bawat hakbang sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng pagbabago. Ngunit
may mangilan-ngilan pa ring pilit na bubunot nito. Habang nagtatalumpati
ako ngayon, may mga nagbubulung-bulungan sa isang silid at hinihimay ang
aking mga sinasabi; naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas.
Sasabihin nila, “Salita lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas.”
Sila rin po ang magsasabing hayaan na, magkaisa na; forgive and forget
na lang para makausad na tayo.
Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and forget na lang ang sampung taon
na nawala sa atin? Forgive and forget na lang para sa magsasakang nabaon
sa utang dahil sa kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede naman palang
pagyamanin sa ating sariling lupa?
Forgive and forget na lang ba para sa pamilya ng isang pulis na namatay
nang walang kalaban-laban, dahil batuta lang ang hawak niya habang
hinahabol ang armadong masasamang-loob?
Forgive and forget na lang ba para sa mga naulila ng limampu’t pitong
biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba sila ng “forgive and
forget?” Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa atin
sa bulok na estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status
quo? Ang tugon ko, “Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi.” Kung
ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap
muli sa sambayanan.
Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan ay magmumula lamang sa tunay
at ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa plunder case na isinampa
laban sa dating pangulo. Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong
harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan
ang nasaksihan natin noong ika-dalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw na
iyon, pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na
ang kabangga mo ay may mataas na katungkulan. Noong araw na iyon, may
isang Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na nagsabing, “Posible
palang iisang batas lang ang kailangang sundin ng court interpreter na
tulad ko, at ng Punong Mahistrado.” Posible palang maging patas ang
timbangan; maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at
makapangyarihan.
Kaya po sa susunod na magiging Punong Mahistrado, malaki ang inaasahan
sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na po nating posible ang imposible;
ang trabaho natin ngayon, siguruhing magpapatuloy ang pagbabago tungo sa
tunay na katarungan, matapos man ang ating termino. Marami pong sira sa
sistemang kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi magiging
madali ito. Alam ko po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang malinaw
na mandato; ngunit ito ang atas sa atin ng taumbayan; ito ang tungkuling
ating sinumpaan; ito ang kailangan nating gampanan.
Simple lang ang hangad natin: kung inosente ka, buong-loob kang haharap
sa korte, dahil kampante kang mapapawalang-sala ka. Kung ikaw ang
salarin, anuman ang apelyido mo, o gaano man karami ang titulong
nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan din na pananagutan mo ang
ginawa mong kasalanan.
Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, sa pagtanggap ng
hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung tutuusin, pwede na niyang
tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado na ako, puwede bang
‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang malasakit sa bayan.
Sa kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng granada sa bahay.
[Laughter] Ma’am, may mga darating pa pong pagsubok; baka po paglaon,
magaya na kayo sa akin na tinatawag, sabay-sabay pang tinatawag, na
ganid na kapitalista na komunista din patungong diktador dahil sa
masigasig na mga repormang ipinapatupad natin.
Bilib po ako sa inyong pagpapakitang-gilas at maraming salamat sa
pagiging instrumento ng katarungan, lalo na noong kasagsagan ng
impeachment trial. Salamat din po sa dalawang institusyong bumubuo ng
Kongreso: Sa Senado at Kamara de Representante, na tinimbang ng
taumbayan at nakitang sapat na sapat.
Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana ng mga prosesong pangkatarungan:
Dumaan kayo sa matinding pagsubok, batikos, at agam-agam; kasama pa ang
kaba na kung natalo tayo, kayo ang unang pupuntiryahin ng kalaban. Pero
‘di kayo natinag. Umasa sa inyo ang Pilipino, at pinatunayan ninyong
tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo binigo ang sambayanan;
ipinaliwanag ninyo lalo ang ating kinabukasan.
Paalala lang po: hindi natatapos ang laban sa isang tiwaling opisyal na
natanggal sa puwesto, sa isang maanomalyang kontratang napigil ipatupad,
o sa isang opisinang naituwid ang pamamalakad. Kaya naman nananawagan po
tayo sa Kongreso na ipasa ang panukala nating sa pag-amyenda sa
Anti-Money Laundering Act, upang mas mapaigting pa natin ang
pagpapanagot sa mga tiwali.
Itong tinatamasa natin ngayon: ang bawat nailawan at iilawan pang sitio;
ang bawat daan, tulay, paliparan, tren, at daungan; ang bawat kontratang
walang bukol; ang kaligtasan at kapayapaan mula lungsod hanggang nayon;
ang pagbalik ng piring sa sistemang pangkatarungan; ang bawat classroom,
upuan, at aklat na napasakamay ng kabataan; ang bawat Pilipinong
nahahandugan ng bagong kinabukasan—ang lahat ng ito, naabot natin sa
loob lamang ng dalawang taon.
Pagtabihin po natin ang dalawang taon na ito, at ang nakaraang siyam at
kalahating taon na ating pinagdusahan. ‘Di po ba’t sumusulong na ang
agenda ng pagbabago? Ang kapareho namin ng adhikain, malamang, kasama
namin sa agendang ito. At kung kontra ka sa amin, siguro kontra ka rin
sa ginagawa namin. Kung kumukontra sila sa agenda ng pagbabago, masasabi
ba niyang sila’y nasa panig ninyo?
Paparating na naman po ang halalan. Kayo po, ang aming mga boss, ang
tangi naming susundan. Ang tanong ko sa inyo, “Boss, saan tayo tatahak?
Tuloy ba ang biyahe natin sa tuwid na landas, o magmamane-obra ba tayo’t
paatras, pabalik sa daan na baluktot at walang patutunguhan?”
Naalala ko pa po noong nagsimula tayo. Mulat na mulat ako sa bigat ng
pasaning sasalubong sa atin. Kabilang ako sa mga nag-isip: Kaya pa bang
ituwid ang ganito kabaluktot na sistema?
Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t limang buwan ng pagkapinuno:
Walang pong imposible. Walang imposible dahil kung nakikita ng taumbayan
na sila ang tanging boss ng kanilang pamahalaan, bubuhatin ka nila,
gagabayan ka nila, sila mismo ang mamumuno tungo sa makabuluhang
pagbabago. Hindi imposible na ang Pilipinas ang maging kauna-unahang
bansa sa Timog-Silangang Asya na magbibigay at nagbibigay ng libreng
bakuna laban sa rotavirus. Hindi imposible para sa Pilipinas na tumindig
at sabihing: “Ang Pilipinas ay sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol
ito.” Hindi imposible na ang Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing
may nakakasalubong na dayuhan—ang Pilipino, ngayon, taas-noong
tinitingala ng buong mundo. Talaga namang ang sarap maging Pilipino sa
mga panahong ito.
Noon pong nakaraang taon, hiniling ko sa taumbayan: Magpasalamat sa mga
nakikiambag sa positibong pagbabago sa lipunan. Hindi po biro ang mga
pagsubok na dinaanan natin, kaya angkop lamang na pasalamatan ang mga
taong nakibalikat, sa pagkukumpuni sa mga maling idinulot ng masamang
pamamahala.
Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming, maraming salamat.
Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong handang isuko ang
pribado at mas tahimik na pamumuhay para maghatid serbisyo-publiko,
kahit pa batid ninyong ang kapalit nito ay mas maliit na sweldo,
panganib, at pambabatikos. Maraming salamat muli.
Huwag din po sana nilang masamain dahil personal ko silang papangalanan:
Kina Father Catalino Arevalo, at Sister Agnes Guillen, na dumidilig at
nagpapalago sa aking buhay spirituwal, lalo na sa mga panahong sukdulan
ang pagsubok sa amin, maraming, maraming salamat din po.
Ito po ang aking ikatlong SONA, tatlo na lamang din po ang natitira.
Papasok na po tayo sa kalagitnaan ng ating liderato. Noong nakaraang
taon, ang hamon ko sa inyo: iwaksi ang kultura ng negatibismo; sa bawat
pagkakataon, iangat ang kapwa-Pilipino.
Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo nagmula
ang pagbabago. Ang sabi ninyo: posible.
Humaharap po ako sa inyo bilang mukha ng isang gobyernong kayo ang boss
at kayo pa rin ang lakas. Inuulat ko lamang ang mga pagbabagong ginawa
ninyong posible.
Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o doktor na piniling magsilbi sa
mga baryo; sa bawat bagong graduate na piniling magtrabaho sa gobyerno;
sa bawat atletang Pilipinong bitbit ang watawat saan mang panig ng
mundo; sa bawat kawani ng pamahalaan na tapat na nagseserbisyo: Kayo po
ang gumawa ng pagbabago.
Sa tuwing haharap ako sa isang ina na nagsasabing, “Salamat at
nabakunahan na ang aking sanggol,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang bata na nagsasabing, “Salamat sa papel at
lapis, sa pagkakataong makapag-aral,” ang tugon ko: Kasama ka sa gumawa
nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang OFW na nagsasabing, “Salamat at puwede ko
na muling pangaraping tumanda sa Pilipinas,” ang tugon ko: Ikaw ang
gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang Pilipinong nagsasabing, “Salamat, akala
ko hindi na magkakakuryente sa aming sitio. Akala ko hindi ko na
aabuting buhay ang liwanag na ganito,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa
nito.
Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka, guro, piloto,
inhinyero, tsuper, ahente sa call center, karaniwang Pilipino; sa bawat
Juan at Juana dela Cruz na nagsasabing “Salamat sa pagbabago,” ang tugon
ko sa inyo: Kayo ang gumawa nito.
Inuulit ko po: posible na ang dating imposible. Humaharap po ako sa inyo
ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA ito. Kayo ang gumawa nito. SONA ito
ng sambayanang Pilipino. Maraming, maraming salamat po at magandang
hapon po sa lahat. |
|
|
| |
|