| |
|
|
| |
STATE
OF THE NATION ADDRESS OF HIS EXCELLENCY PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO
III
2nd Regular Session of the
15th Congress of the Philippines
Session Hall of the House of Representatives
Batasan Pambansa Complex, Quezon City
July 25, 2011 |
|
| |
|
|
| |
Download Full text (English Version) |
|
| |
Maupo po tayong lahat.
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte Jr.; Bise
Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at
Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice Renato Corona at ang ating mga
kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na
kasapi ng diplomatic corps; mga miyembro ng Kamara de Representante at
ng Senado; mga Local Government officials; mga miyembro ng ating
Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko
nagseserbisyo sa taumbayan;
At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:
Humarap po ako sa inyo noong aking inagurasyon at sinabing: Walang
wang-wang sa ating administrasyon. At ngayon, patuloy nating itinitigil
ito. Naging hudyat at sagisag po ito ng pagbabago, hindi lamang sa
kalsada, kundi pati na rin sa kaisipan sa lipunan.
Sa matagal na panahon, naging simbolo ng pang-aabuso ang wang-wang.
Dati, kung makapag-counterflow ang mga opisyal ng pamahalaan, para bang
oras lang nila ang mahalaga. Imbes na maglingkod-bayan, para bang sila
ang naging hari ng bayan. Kung maka-asta ang kanilang mga padrino't
alipores, akala mo'y kung sinong maharlika kung humawi ng kalsada;
walang pakialam sa mga napipilitang tumabi at napag-iiwanan. Ang mga
dapat naglilingkod ang siya pang nang-aapi. Ang panlalamang matapos
mangakong maglingkod—iyan po ang utak wang-wang.
Wala silang karapatang gawin ito. Ayon sa batas, tanging ang Presidente,
Bise Presidente, Senate President, House Speaker, Chief Justice, pulis,
bumbero, at ambulansya lang ang awtorisadong gumamit ng wangwang para sa
kanilang mga opisyal na lakad. Kung sa trapiko nga ay di masunod ang
batas, paano pa kaya sa mga bagay na mas malaki ang makukuha, tulad ng
sa mga proyektong pinopondohan ng kaban ng bayan?
Kayo po ba gusto ninyong makulong ang lahat ng tiwali? Ako rin po. Gusto
ba ninyong matanggal ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada, kundi sa
kaisipang nagdulot ng baluktot na sistema na pagkatagal-tagal na nating
pinagtiisan? Ako rin. Gusto po ba ninyong mabigyan ng patas na
pagkakataon ang lahat na umasenso? Siyempre, ako rin po.
Narito po ang halimbawa ng resulta ng ating kampanya kontra wang-wang sa
sistema. Nitong taong ito, taumbayan na mismo ang nagsabi nabawasan ang
nagugutom sa kanila. Mula 20.5% na self-rated hunger noong Marso, bumaba
na ito sa 15.1% nitong Hunyo, katumbas ng isang milyong pamilyang
Pilipinong nagugutom dati, pero ngayon ay nakakakain na nang tama kada
araw.
Sa larangan po ng negosyo, sino ba ang nag-akalang pitong ulit nating
malalampasan ang all-time-high ng stock market? Ang dating 4,000 index
na inaakalang hindi maaabot, o kung maabot man ay pansamantala lang,
ngayon, pangkaraniwan nang hinihigitan.
Kung dati napako na ang bansa sa mababang credit ratings, itinaas ng
Moody’s, Standard and Poors, Fitch, at Japan Credit Ratings Agency ang
ating ranking, bilang pagkilala sa ating tamang paggugol ng pondo at sa
malikhain nating pananalapi. Ang mataas na credit rating, magpapababa ng
interes sa perang inuutang natin. Kumpara sa unang apat na buwan ng
nakaraang taon, mas malaki po ng 23 billion pesos ang natipid nating
interest payments mula Enero hanggang Abril ng 2011. Maaari na po nitong
sagutin ang dalawang milyon at tatlongdaan libong benepisyaryo ng CCT
hanggang sa katapusan ng 2011.
Paalala ko lang po, sa siyam at kalahating taon bago tayo maitalaga sa
puwesto, iisang beses lang tayong nakatikim ng ratings upgrade, at anim
na beses pang na-downgrade ng iba’t ibang ratings agency. Sa isang taon
pa lang po natin, apat na beses na tayong nabigyan ng upgrade. Alam
naman po natin na hindi madaling ma-upgrade sa mga panahong ito. Itong
mga ratings agency, nabatikos na mali raw ang payo bago magkakrisis sa
Amerika, kaya ngayon ay mas makunat na sila sa pagbibigay ng magagandang
ratings, at nakikita nga natin ito sa sunud-sunod na pag-downgrade sa
ibang bansa. Pero tayo po, inupgrade pa nila. Sang-ayon silang lahat:
gumanda at lalo pang gaganda ang ekonomiya ng Pilipinas. Isang hakbang
na lang po, aabot na raw tayo sa investment grade, at wala pong tigil
ang ating economic team upang tuluyan na tayong makaarangkada.
At may mabubuting balita pa pong parating. Dahil wala nang wang-wang sa
DOE, muling nabuhay ang kumpiyansa ng mga namumuhunan sa ating energy
sector. Patunay dito ang isandaan at apatnapung kumpanya na nakahandang
tumaya sa eksplorasyon at pagpapalakas ng ating oil at natural gas
resources. Sa huling energy contracting round noong 2006, tatlumpu’t
lima lang po ang nakilahok. Nitong Biyernes lamang po, nilagdaan na ang
panibagong kasunduan para sa isang bagong power plant sa Luzon grid
upang pagdating ng 2014, may mas mura at mas maaasahang pagmumulan ng
enerhiya ang bansa.
May kumpiyansa, may pag-asa, at tinutupad po natin ang ating mga
pangako. Naaalala ko nga po ang babaeng nakausap ko nang ako’y unang
nagha-house-to house campaign para sa akng sarili. Ang kaniyang hinaing:
“Miski sino naman ang manalo, pare-pareho lang ang kahihinatnan. Mahirap
ako noong sila ay nangangampanya; mahirap ako habang nakaupo sila, at
malamang mahirap pa rin ako pag nagretiro na sila.” Sa madaling salita,
ang hinaing po ng marami, “Walang pakialam ang mga pinuno namin kahapon,
wala silang pakialam ngayon. Bukas, wala pa rin silang pakialam.”
Di po ba’t may katuwiran naman siya sa pagsasabi nito, dahil sa
pagwawang-wang sa mga ahensya ng gobyerno? Wang-wang po ang pagbili ng
helicopter sa presyong brand new, pero iyon pala ay gamit na gamit na.
Wang-wang ang milyun-milyong pabuya na tinanggap ng mga opisyal ng GOCC,
tulad ng sa Philippine National Construction Corporation, gayong hindi
naman sila nakapaghandog ng disenteng serbisyo, at ibinaon pa sa utang
ang kanilang mga ahensya. Bago sila bumaba sa puwesto, dalawandaan,
tatlumpu’t dalawang milyong piso po ang inomento ng dating pamunuan ng
PNCC sa kanilang sarili. 2007 pa lang po, wala na silang prangkisa;
lahat ng kikitain, dapat diretso na sa pambansang gobyerno. Hindi na nga
nag-abot ng kita, sinamantala pa ang puwesto. Ang bonus nila mula 2005
hanggang 2009, dinoble pa nila sa unang anim na buwan ng 2010. Ibinaon
na nga po nila sa bilyun-bilyong pisong utang ang kanilang tanggapan,
nasikmura pa nilang magbigay ng midnight bonus sa sarili.
Para po pigilan ang pagwang-wang sa kaban ng bayan, sinuyod at sinuri
natin ang mga programa. Dalawang magkasunod na taon na po nating
ipinatutupad ang zero-based budgeting, na magsisilbing kalasag sa
walang-saysay na paggastos.
Sa Laguna Lake po, magtatanggal nga sabi nila ng 12 million cubic meters
sa dredging, pero pagkatapos ng tatlong taon, garantisado naman itong
babalik. 18.7 billion pesos ang magiging utang natin para lang maglaro
ng putik. Hindi pa bayad ang utang, nag-expire na ang pakinabang.
Pinigilan po natin iyan. Ang food-for-school program na bara-bara lang
ang paghahanap ng benepisyaryo, at iba pang inisyatibang pinondohan
ngunit walang pinatunguhan—binura na natin sa budget upang ang pera
namang nalibre, ay mailaan sa mga proyektong totoong may silbi.
Ang budget po ang pinakamalinaw na pagsasabuhay ng ating tuwid na
landas. Ang aking pahiwatig sa lahat ng gusto pang ilihis tayo rito:
Kung mang-aagrabyado ka lang ng mahirap, huwag ka nang magtangka. Kung
sarili mo lang ang papayamanin mo, huwag ka nang magtangka. Kung hindi
iyan para sa Pilipino, huwag ka nang magtangka.
Sana masabi na natin na tapos na ang utak wang-wang, pero nakikita po
natin ang latak ng ganitong kaisipan na pilit bumubulahaw sa aliwalas ng
ating biyahe sa tuwid na landas.
Mukhang marami rin po kasi ang nagwawang-wang sa pribadong sektor. Ayon
sa BIR, mayroon tayong halos 1.7 million na self-employed at
professional tax payers gaya ng mga abogado, doctor at negosyante na
nagbayad lamang, sa suma total, ng 9.8 billion pesos noong 2010. 5,783
pesos lang ang ibinayad na income tax ng bawat isa raw sa kanila, on the
average, ang ibig sabihin, kung totoo po ito, ang kabuuang kita nila ay
umaabot lang ng 8,500 pesos lamang kada buwan. Mababa pa sa minimum
wage. Naman.
Nakikita naman po ninyong napupunta na sa tama ang buwis ninyo, kaya
wala na pong dahilan upang iwasan natin ang pagbabayad. Nananawagan po
ako sa inyo: Hindi lang po gobyerno, kundi kapwa natin Pilipino ang
pinagkakaitan sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Pinananagot at pananagutin po natin ang wang-wang saanmang sulok ng
gobyerno. Ang masakit, hanggang sa mga araw pong ito, may sumusubok pa
ring makalusot. Mayroon nga pong isang distrito sa Region 4B, may
proyektong gagastusan ng 300 million pesos. Kaso hanggang 50 million
pesos lang ang puwedeng aprubahan ng district engineer.
Kaya naisip nilang ichop-chop ang proyekto para di lumampas sa 50
million pesos ang halaga, at di na umabot sa regional at central office
ang mga papeles. Kani-kaniyang diskarte, kani-kaniyang kaharian ang
nadatnan nating situwasyon sa DPWH. Sinubukan nilang ipagpatuloy ang
nakasanayan na nila. Kadalasan, dahil sa lump-sum na pagbibigay ng
pondo, wala nang tanung-tanong kung ano ang plano at detalye ng
proyekto. Miski yata sabi ng iba bahay ng gagamba ang ipapatayo,
bibigyan ng pondo, basta may padrino.
Hindi ito pinalusot ni Secretary Babes Singson. Tinanggal na niya sa
puwesto ang district engineer. Pinigilan din po ang pag-award ng
proyektong ito para busisiin kung ano pang magic ang nangyari. Masusi na
ring iniimbestigahan lahat ng nagkuntsabahan. Ang mga kontratistang
mapatunayang nakipagsabwatan para mag-tongpats sa mga proyekto,
ibablack-list natin.
Tingnan nga po ninyo ang idinulot na perhuwisyo ng pagwawang-wang sa
sistema: Tuloy ang pagdusa ng mamamayang dapat nakikinabang na sa
proyekto ng bayan.
Hindi lang po iyan sa region 4B nadiskubre. Ngunit natigil na po ito
dahil hindi na padrino kundi tamang proseso ang naghahari sa DPWH. Hindi
na puwedeng walang work program; kailangang magpakita ng pinag-isipang
plano para hindi magkasalungat ang pagsasagawa ng mga proyekto. Malinis
at hayag na ang bidding, at pantay na ang pagkakataon sa pagpasok ng mga
kontratista.
Sa sistemang pinaiiral ngayon sa DPWH, nakatipid na tayo ng dalawa’t
kalahating bilyong piso, at umaasa tayo na aabot pa sa anim hanggang
pitong bilyong piso ang matitipid sa taon na ito. Ang pinakamahalaga po,
nakakaasa na tayo sa mga kalsadang matino, hindi ‘yung maambunan lang ay
lulundo o mabibiyak agad. Paniwala natin dati, imposibleng maitama ng
DPWH ang sistema nila. Hindi lang po ito posible; sa unang taon pa
lamang, ginagawa na natin ito.
Kahit po sa mga bukirin, may mga nagwawang-wang din. Bago tayo maupo
noong 2010, nag-angkat ang bansa ng 2.3 million metric tons ng bigas.
1.3 million metric tons lamang ang kailangan nating angkatin, ngunit
pinasobrahan pa nila ito ng isang milyon tonelada. Dahil nga sobra-sobra
ang inangkat, kinailangan pa nating gumastos muli sa mga bodegang
pagtatambakan lang naman ng barko-barkong bigas.
Ilang taon bang walang saysay na pinasobrahan ang bigas na inaangkat?
Dahil dito, umiral ang pag-iisip na habambuhay na tayong aangkat ng
bigas. Ang akala ng marami, wala na talaga tayong magagawa.
Ngunit sa loob lamang ng isang taon, pinatunayan nating mali sila.
Ngayon, ang dating 1.3 million metric tons na kakulangan natin sa bigas,
halos nangalahati na; 660,000 metric tons na lang po ang kailangan
nating angkatin. Kahit dagdagan pa natin iyan ng panangga laban sa
sakuna at gawing 860,000 metric tons—na ginagawa na nga po natin—mas
mababa pa rin ito sa tinatayang taunang kakulangan na 1.3 million metric
tons.
At hindi po buwenas lang ang nangyaring pag-angat ng ating rice
productivity. Bunga po ito ng matinong pamamalakad: ng paggamit ng
maiinam na klase ng binhi, at masusi at epektibong paggastos para sa
irigasyon. Nito nga pong nakaraang taon, labing-isang libo, animnaraan
at labing-isang bagong ektarya ng bukirin ang napatubigan natin. Dagdag
pa iyan sa halos dalawandaan at labindalawang libong ektarya na
nakumpuni o nabigyang muli ng irigasyon matapos ang panahon ng
pagkakatiwangwang. Ang resulta: umangat ng 15.6% ang ani nating palay
noong nakaraang taon.
Ang gusto nating mangyari: Una, hindi tayo aangkat ng hindi kailangan,
para lang punan ang bulsa ng mga gustong magsariling-diskarte ng kita sa
agrikultura. Ikalawa: Ayaw na nating umasa sa pag-aangkat; ang isasaing
ni Juan dela Cruz, dito ipupunla, dito aanihin, dito bibilhin.
Balikan din po natin ang dinatnang kalagayan ng ating mga kawal at
kapulisan. Labingtatlong libong piso po ang karaniwang suweldo ng isang
PO1 sa Metro Manila. Apat na libong piso daw rito ang napupunta sa upa
ng bahay. Tila tama nga po na isang-katlo ng kanilang sahod diretso na
sa upa. Isang-katlo pa nito, para naman sa pagkain. At ang natitirang
isang-katlo, para sa kuryente, tubig, pamasahe, pampaaral sa anak, gamot
sakaling may magkasakit, at iba pa. Maganda na nga po kung tumabla ang
kita niya sa gastusin. Kapag naman kinapos, malamang sa five-six po sila
lalapit. At kapag nagpatung-patong ang interes ng utang nila, makatanggi
kaya sila sa tuksong dumelihensya?
Kaya ang ipinangako nating solusyon dito pabahay nitong Pebrero, ngayong
Hulyo ay tinutupad na. Nakapag-abot na po tayo ng apat na libong
Certificate of Entitlement to Lot Allocation sa magigiting nating kawal
at pulis. Bahagi pa lang po ito ng target nating kabuuang dalawampu’t
isang libo at walong daang bahay sa pagtatapos ng taong ito. Ang dating
apatnalibong ibinabayad para sa upa kada buwan, ngayon, dalawandaang
piso na lang, para pa sa bahay na pagmamay-ari talaga nila. Ang dating
nalalagas na halaga na pambayad sa buwanang renta, maaari nang igugol
para sa ibang gastusin.
Mayroon pa raw pong mahigit isang libong bahay na natitira, kaya po sa
mga pulis at sundalo nating di pa nakakapagpasa ng kanilang papeles,
last call na po para sa batch na ito. Pero huwag po kayong mag-alala, sa
susunod na taon, lalawak pa ang ating pabahay, at hindi lang pulis at
kawal sa Luzon ang makikinabang. Inihahanda na ng NHA ang lupang
patatayuan sa Visayas at Mindanao, para sa susunod na taon,
makapagpapatayo na tayo ng mga bahay doon. Sa ating mga kawani ng Bureau
of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection, may good
news pa rin po ako: kasama na po kayo rito.
Kung seguridad na rin lang po ang ating pag-uusapan, di ba’t karugtong
din nito ang ating pambansang dangal? Dati, hindi man lang natin
makuhang pumalag tuwing may sisindak sa atin sa loob mismo ng ating
bakuran. Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa buong mundo: Ang sa
Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na
ring tumapak sa Recto Avenue.
Tama nga po kaya ang kuwento tungkol sa isang stand-off noong araw?
Tinapatan daw ang mga marino natin ng kanyon. Ang ginawa nila nung gabi,
pumutol ng puno ng niyog, pininturahan ito ng itim, saka itinutok sa
kalaban. Tapos na po ang panahong iyan. Parating na ang mga capability
upgrade at modernization sa mga kagamitan ng ating Sandatahang Lakas.
Literal na pong naglalakbay sa karagatan papunta rito ang kauna-unahan
nating Hamilton Class Cutter, isang mas modernong barko na magagamit
natin para mabantayan ang ating mga baybayin. Maaari pa po tayong
makakuha ng mga barkong tulad nito. Idadagdag iyan sa kukunin na nating
mga helicopter, plural po iyon, patrol craft, at sandata na bultong
bibilhin ng AFP, PNP, at DOJ upang makakuha ng malaking diskuwento.
Lahat po ito, makakamtan sa matinong pamamahala; mabibili sa tamang
presyo, nang walang kailangang ipadulas kung kani-kanino.
Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na
handa tayong ipagtanggol ang atin. Pinag-aaralan na rin po natin ang
pag-angat ng kaso sa West Philippine Sea sa International Tribunal for
the Law of the Sea, upang masigurong sa mga susunod na pagkakataon ay
hinahon at pagtitimpi ang maghahari tuwing may alitan sa teritoryo.
Alam ko pong magbubunga ang pag-aarugang ipinapamalas natin sa mga
lingkod-bayan na nakatutok sa ating seguridad. Mantakin po ninyo: sa
unang anim na buwan ng 2010, umabot sa isanlibo at sampung (1,010) kotse
at motorsiklo ang nanakaw. Ikumpara po natin iyan sa apatnaraan at
animnapung (460) kotse at motorsiklong nanakaw mula Enero hanggang Hunyo
ng taong ito. Ang laki po ng naibawas, di po ba? Malas ko lang po siguro
na ‘yung isa o dalawang kaso ng carnapping ang nai-heheadline, at hindi
ang pagbawas sa mga insidente nito o ang mas mataas na porsyento ng mga
nanakaw na kotse na naibalik sa kanilang mga may-ari.
Isa pa pong halimbawa ng pagbabagong tinatamasa natin: Mayo ng 2003 nang
lagdaan ang Anti-Trafficking in Persons Act, pero dahil hindi sineryoso
ng estado ang pagpapatupad nito, dalawampu’t siyam na indibiduwal lamang
ang nahatulan sa loob ng pitong taon. Nalagpasan na po natin iyan, dahil
umabot na sa tatlumpu’t isang human traffickers ang nahatulan sa ating
administrasyon. Ito na po siguro ang sinasabing “sea change” ni
Secretary of State Hillary Clinton ng Amerika. Dahil dito, natanggal na
tayo sa Tier 2 Watchlist ng Trafficking in Persons Report nila. Kung
hindi tayo natanggal sa watchlist na ito, siguradong napurnada pa ang
mga grant na maaari nating makuha mula sa Millenium Challenge
Corporation at iba pa.
Dumako po tayo sa trabaho. Dagdag-trabaho ang unang panata natin sa
Pilipino. Ang 8% na unemployment rate noong Abril ng nakaraang taon,
naibaba sa 7.2% nitong Abril ng 2011. Tandaan po natin: moving target
ang nasa hanay ng ating unemployed, dahil taun-taon ay may mga bagong
graduate na naghahanap ng trabaho. Nito nga pong huling taon, nadagdag
pa sa bilang nila ang libu-libong hawi boys, tagasabit ng banderitas, at
iba pang mga Pilipinong kumuha ng pansamantalang kabuhayan mula sa
eleksyon. Ang resulta po natin: Isang milyon at apatnaraang libong
trabahong nalikha nitong nakaraang taon nagtatapos po ng Abril.
Dati, nakapako sa pangingibang-bansa ang ambisyon ng mga Pilipino.
Ngayon, may pagpipilian na siyang trabaho, at hangga’t tinatapatan niya
ng sipag at determinasyon ang kanyang pangangarap, tiyak na maaabot niya
ito.
Malaki pa po ang puwedeng madagdag sa trabahong nalilikha sa ating
bansa. Ayon pa lang po sa website nating Philjobnet, may limampung
libong trabahong hindi napupunan kada buwan dahil hindi tugma ang
kailangan ng mga kumpanya sa kakayahan at kaalaman ng mga naghahanap ng
trabaho. Hindi po natin hahayaang masayang ang pagkakataong ito; ngayon
pa lang, nagtatagpo na ang kaisipan ng DOLE, CHED, TESDA, at DEPED upang
tugunan ang isyu ng job mismatch. Susuriin ang mga curriculum para
maituon sa mga industriyang naghahanap ng empleyado, at gagabayan ang
mga estudyante sa pagpili ng mga kursong hitik sa bakanteng trabaho.
Ngunit aanhin naman po natin ang mga numerong naghuhudyat ng pag-asenso
ng iilan, kung marami pa rin ang napapag-iiwanan? Ang unang hakbang:
tinukoy natin ang totoong nangangailangan; namuhunan tayo sa
pinakamahalaga nating yaman: ang taumbayan. Sa dalawang milyong
pamilyang rehistrado sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program, isang
milyon at animnaraang libo na ang nakakatanggap ng benepisyo nito. Sa
pagpapakitang-gilas ni Secretary Dinky Soliman, tinatayang may mahigit
isandaang libong pamilya ang naiaahon natin mula sa kahirapan kada
buwan. Uulitin ko, tinatayang may mahigit isandaang libong pamilya ang
naiaahon natin mula sa kahirapan kada buwan. Kaya naman mataas ang aking
kumpiyansang makukumpleto ang 1.3 million na dagdag na pamilya, mula sa
kabuuang 2.3 milyong pamilyang target na benepisyaryo ng CCT bago
matapos ang taong ito. At sa compliance rate nito na hindi bababa sa
92%, milyun-milyon na rin po ang inang regular na nagpapacheck-up sa mga
health center, ang mga sanggol na napabakunahan, at ang mga batang hindi
hinahayaan sa labas ng paaralan.
Simula pa lang po ito, at sa ganitong kalinaw na mga resulta, umaasa ako
sa suporta ng bawat Pilipino, lalo na ng lehislatura, sa mungkahi nating
salinan pa ng pondo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Inaasam po
natin na bago matapos ang 2012, tatlong milyong pamilya na ang
mabibigyan ng puhunan para sa kanilang kinabukasan.
Binibigyan natin ang mga maralitang pamilyang ito ng pagkakataong
makaahon sa buhay, dahil ang pag-asenso nila ay pag-angat rin ng buong
bansa. Sino ang tatangkilik sa mga produkto at serbisyo ng mga
negosyante, kung isang kahig, isang tuka naman ang mamimili? Kapag may
amang kumapit sa patalim para may kainin ang kanyang pamilya, at siya ay
magnakaw o nangholdap, sino ba ang puwedeng mabiktima ng krimen kundi
tayo rin? Kung ang mga kababayan natin ay walang maayos na pagkain o
tahanan, mahina ang kalusugan at may malubhang karamdaman, hindi ba’t
tayo rin ang nasa peligrong mahawa sa kanilang sakit?
Naglalatag po tayo ng pagbabago upang mas mapatibay ang pundasyon ng
maaliwalas na bukas para sa lahat. Halimbawa, sa kalusugan: Di ba’t
kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga benepisyaryo ng PhilHealth
tuwing maghahalalan? Ngayon, sa pamamagitan ng National Household
Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR), tiniyak natin na ang
limang milyon at dalawandaang libong pamilyang Pilipino na nakikinabang
sa PhilHealth ay ang talagang mga nangangailangan nito. Malawakang
pag-unlad at pag-asenso ng lahat: Iyan po ang panata natin. Walang
maiiwan sa tuwid na landas.
Tumungo naman po tayo sa ARMM. Ang dating sistema: Nagbabatuhan lang ng
huwad na utang na loob ang mga baluktot na kandidato. Kapag pambansang
halalan, malaya ang nakaupo sa ARMM na imane-obra ang makinarya sa
kaniyang rehiyon para matiyak na bokya ang boto ng mga hindi kaalyado.
Kapag naman eleksyon sa ARMM at maniningil na ng utang si Mayor o
Governor, ang administrasyon naman ang magpapatakbo ng makinarya para
manalo ang kanilang kandidato.
Ayon nga po sa naungkat ng COA, sa opisina ng regional governor ng ARMM,
mula Enero 2008 hanggang Setyembre 2009, walumpung, uulitin ko,
walumpung porsyento ng mga disbursement ang napunta sa mga cash advance
na wala namang maayos na paliwanag. Kung hindi nawala ang pondong ito,
nakatapos na sana ang isang batang sa ngayon tumawid sa ghost bridge,
para pumasok sa ghost school, kung saan tuturuan siya ng ghost teacher.
Kaawa-awang bata, walang humpay na paghihirap, at walang pag-asa ng
pag-asenso.
Gusto nating maranasan ng ARMM ang benepisyo ng tamang pamamahala. Kaya
ang ating mungkahing solusyon: synchronization. Dahil dito, kailangan
nilang tumutok sa kani-kanilang mga kampanya; magiging mas patas ang
labanan, at lalabnaw ang command votes. Salamat sa Kongreso at naipasa
na ang batas na magsasabay sa halalan ng ARMM sa halalang pambansa.
At bakit po postponement ang kailangan? Sa kagustuhang siyempre
makabalik sa puwesto, nakahanda ang ilan na ulitin ang nakagawian para
manalo. Isipin na lang po ninyo kung pumayag tayo sa kagustuhan ng mga
kontra, at itinuloy natin ang eleksyon. Wala po silang ibang gagawin sa
loob ng dalawang taon kundi paghandaan ang susunod na halalan at isiksik
ang kalokohan nila sa mas maigsing panahon. Habang nananatili sa pwesto
ang mga utak wang-wang na opisyal, naiiwan namang nakalubog sa kumunoy
ng kawalang-pagasa ang taumbayan.
Wala akong duda sa kahihinatnan ng mga repormang inilatag natin. Hindi
po tayo nagbubukambibig lang; may kongkretong resulta ang ating mga
paninindigan. Kapag sinabi nating tuwid na daan, may katapat itong
kalsada sa Barangay Bagumbayan sa Sta. Maria, Laguna. Pag sinabi nating
malinis na pamamahala, may dadaloy na malinis na tubig sa mga liblib na
lugar gaya ng nasa Barangay Poblacion, sa Ferrol, Romblon. Kapag sinabi
nating liwanag ng pagbabago, titiyakin nating may liwanag na tatanglaw
sa mga pamayanang dati ay nangangapa sa aandap-andap na gasera, gaya ng
ginawa natin sa Barangay San Marcos, sa Bunawan, Agusan del Sur. Ganito
na ang nangyayari sa marami pang ibang lugar; pinipilit nating ito rin
ang mangyari sa kabuuan ng Pilipinas.
Nakatutok na po ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno; nag-uugnayan at
nagtutulungan sila upang maabot at mapabilis ang mga solusyon sa mga
problemang kaytagal nang pinapasan ng bayan.
Di po ba’t may problema tayo sa baha, na alam naman nating dulot ng
walang humpay at ilegal na pagputol ng mga puno? Dating solusyon:
photo-op ng pagtatanim na ang tanging benepisyaryo ay nagpapoging
pulitiko. Nagtanim nga ng puno kontra-baha, pero hindi naman siniguro na
mananatiling nakatayo ang mga ito pag-alis nila.
Isa sa mga solusyong pinaghahandaan, pinag-aaralan ay ang gawing
kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ang pagbabantay ng puno. Bibigyan
sila ng binhi ng kape at cacao para itanim at mamunga ng kabuhayan.
Habang hinihintay ang ani, makakakuha sila ng stipend upang bantayan
naman ang mga punong itinanim laban sa baha. Puwedeng maging
benepisyaryo ng programang ito ang mga informal settlers, na ngayon ay
nagkukumpulan sa siyudad. Mamumuhunan tayo sa taumbayan, habang
namumuhunan din sa kalikasan.
Noon bang isang taon, inisip kaya natin na kaya nating gawin ito? Sa
ngayon, tinutupad na natin ang ating mga pangako. Bukas makalawa,
katotohanan na lahat ng ating mga pinapangarap.
Marami pa pong malikhaing konsepto na inilalapit sa atin at atin pong
pinapatupad na. May mosquito trap na pinapatay ang mga kiti-kiti ng
lamok, na siguro naman po ay may kinalaman sa halos labing-apat na
porsiyentong pagbaba ng insidente ng dengue; may hibla ng niyog na
itatapon na sana, pero puwede palang murang solusyon sa mga daanang
madaling mabitak; may landslide sensor na magbababala kung tumaas na ang
panganib na gumuho ang lupa; may mga kagamitang magbibigay ng senyales
kung malapit nang umapaw ang tubig sa mga ilog. Lahat po ito, gawa ng
Pilipino.
Pinag-aaralan na rin po ng DOST at UP ang pagkakaroon ng monorail
system, para tugunan ang problema sa pangmalawakang transportasyon. Sa
malikhaing pag-iisip ng kapwa Pilipino, may pag-asa pala tayong magtayo
ng light rail system nang hindi hihigit sa 100 million pesos ang
gagastusin kada kilometro. Sa matitipid na pondo, mas mahabang kilometro
ng riles ang mailalatag at makaka-abot sa mga lugar na malayo sa sentro
ng komersyo. Ang mga dating sumisiksik sa siyudad para maghanap ng
trabaho, maaari nang tumira sa medyo mas malayo, nang hindi pahirapan
ang biyahe.
Uulitin ko po: ang mungkahing ito ay galing sa kapwa natin Pilipino,
para sa Pilipinas. Naaalala po ba ninyo ang panahon kung kailan ni hindi
man lang maabot ng mga pangarap natin ang ganitong mga proyekto? Ngayon,
sinasabi ko po sa inyo: pinapangarap natin ito, kaya natin ito, gagawin
natin ito. Hindi ba tayo nagagalak, Pilipino tayong nabubuhay sa mga
panahong ito?
Sa kabila ng lahat ng ito, huwag po sana nating lilimutin: masasayang
lang ang lahat ng ating narating kung hindi tuluyang maiwawaksi ang
kultura ng korupsyon na dinatnan natin.
Sa mga kapwa ko empleyado ng sambayanan, mula sa tuktok hanggang sa
bawat sulok ng burukrasya: Di po ba’t napakarangal na ngayon ang
magtrabaho sa gobyerno? Di po ba’t ngayon, sa halip na ikahiya, gusto mo
pang isuot kung minsan ang iyong ID kung sumasakay ka ng bus o jeep
papasok sa iyong ahensya? Sasayangin po ba natin ang karangalang kaloob
sa atin ng sambayanan?
Iyan din po ang aking panawagan sa ating Local Government Units.
Kabilang po ako sa mga sumasang-ayon na kayo ang pinaka-nakakaalam sa
pangangailangan ng taumbayan sa inyong mga lungsod at munisipyo.
Makakaasa po ang ating mga LGU sa higit na kalayaan at kakayahan, kung
makakaasa rin tayong gagamitin ito sa tuwid na paraan, at
isasaalang-alang ang kapakanan ng buong sambayanan.
Halimbawa po, may ilang munisipyo na naisipang magbuwis sa mga
transmission lines ng kuryente na dadaan sa kanilang mga pook.
Magpapasok nga po ng kita sa kanilang lokal na kaban, pero kapalit nito,
tataas din ang gastusin ng mas nakararaming Pilipino sa kuryente. Tiwala
po akong kaya nating balansehin ang interes ng inyong mga nasasakupan sa
interes ng sambayanan.
Kailangan pong manatiling magkatugma ang ating mga programa, dahil ang
ikauunlad ng buong bansa ay manganganak din ng resulta sa inyong mga
pook. Wakasan na po sana natin ang agendang nakatuon sa susunod na
eleksyon lamang, at ang kaisipang isla-isla tayong maihihiwalay ang
sariling pagsulong sa pag-unlad ng bansa.
Tayo-tayo rin po ang dapat magtulungan tungo sa kaunlaran. Malaki ang
pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa ng mga batas ukol sa GOCC
Governance, ARMM Synchronization, Lifeline Electricity Rates Extension,
Joint Congressional Power Commission Extension, Children and Infants’
Mandatory Immunization, at Women Night Workers at marami pa sigurong
kasunod.
Noong isang taon nga po, nagpakitang-gilas ang Kongreso sa pagpasa ng
budget bago matapos ang taon. Dahil dito, nasimulan agad ang mga
proyekto at hindi na inabot ng tag-ulan. Bukas na bukas po, ihahain na
namin sa lehislatura ang budget para sa susunod na taon. Umaasa po ako
na muli kayong magpapakitang-gilas, upang tuluyan na nating mapitas ang
bunga ng mga naitanim nating pagbabago.
Maganda na po ang ating nasimulan. Pero mahalaga pong maalala natin:
simula pa lang ito. Marami pa tayong gagawin. Hayaan po ninyong ilatag
ko sa Kongreso ang ilan sa mga batas na magpapaigting sa pagtupad ng
ating mga panata sa bayan.
Layon nating bigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga biktima ng Martial
Law; ang pagkakaloob ng makatarungang pasahod at benepisyo para sa mga
kasambahay; at ang pagpapatupad ng isang mas maayos na sistema ng
pensyon para sa mga kawal. Sinusuportahan din natin ang pagpapalawak ng
sakop ng scholarship na ipinagkakaloob ng DOST sa mahuhusay ngunit
kapuspalad na mag-aaral; ang pagtataguyod ng pinaigting na
pangkalahatang kalusugan; at ang pangangalaga sa ating kalikasan at sa
mga pasilidad na titiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan sa oras ng
sakuna.
Kabilang din po sa ating agenda ang pagpapalakas ng Bureau of
Corrections, ng National Bureau of Investigation, ng National
Electrification Administration, at ng PTV 4, upang sa halip na
mapag-iwanan ng kaalaman at panahon, mas maayos nilang magagampanan ang
kanilang pagbibigay-serbisyo sa publiko.
Hindi ko po nailagay ang lahat ng gustong magpasali ng kanilang
adbokasiya dito po sa SONA. Pero kumpleto po ang detalye sa budget at
budget message. Sa mga interesado po, pakibasa na lang po ang detalye
doon.
May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali.
Totoo po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama, at ang
pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali—sino man sila. At hindi lamang
dapat ako namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating
lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.
Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng
“Oks lang, hindi puwedeng wala lang iyan.” Kapag kinalimutan natin ang
mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi
magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa
mga nagbabalak gumawa ng masama na kung puwede ulitin ninyo ang ginawa
ninyo.
Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin. Pero
hindi na tayo magpapakahaba doon at magbibigay na lang ako ng halimbawa,
sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan
ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas
na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba
na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga
uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong:
nakakatulog pa po kayo?
Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita
Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan na hindi magiging
tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan. Inaasahan ko nga po na
sa taon na ito, masasampahan na ng kaso ang maraming nagkuntsabahan sa
katiwalian, at naging sanhi ng situwasyong ating inabutan. Tapos na rin
po ang panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na
kaso. Kapag tayo ang nagsampa, matibay ang ebidensya, malinaw ang
testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin.
Tutok tayo na ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi natatapos
sa pagsasakdal kundi sa pagkukulong ng maysala. Buo ang kumpiyansa ko na
tinutupad ng Department of Justice ang malaki nilang bahagi upang
maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga kaso ukol sa tax evasion, drug
trafficking, human trafficking, smuggling, graft and corruption, at
extrajudicial killings.
Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng
mabuti ring resulta. Isipin po ninyo: naipatupad natin ang mga
ipinangakong serbisyo ng gobyerno, at nakapaglaan pa ng sapat na pondo
para sa mga proyekto nang hindi kinailangang magtaas ng buwis.
Iyan naman po talaga ang plano: siguruhin na patas ang laban; itigil ang
panlalamang ng mga makapangyarihan; at tiyakin na ang dating sistema
kung saan nakikinabang ang iilan ay magiging bukal ng oportunidad para
sa lahat.
Tinutuldukan na lang po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa
kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng kumpiyansa na magdadala ng
negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo ng taumbayan ay mapupunta sa
dapat nitong kalagyan: Imprastruktura na titiyak sa tuluyang pag-angat
ng ekonomiya at pagmumulan ng trabaho, at serbisyong panlipunan na
sisigurong walang mapag-iiwanan. Bubukas ang marami pang pintuang
pangkabuhayan sa pamamagitan ng turismo; sisiguruhing hindi magugutom
ang Pilipino sa pagpapalakas ng agrikultura. Ang mga dating
kinakaligtaan, bibigyang-puhunan ang kinabukasan.
Magbubunsod ito ng siklo kung saan tiyak na may pupuno sa mga
nalilikhang trabaho, at may mga konsumer na lalong magpapalago sa mga
negosyo.
Batid ko po na hanggang ngayon ay may kakaunti pang nagrereklamo sa
ating estilo ng pamamahala. Nakita po ninyo ang aming estilo, at ang
kaakibat nitong resulta. Nakita po ninyo ang estilo nila, at kung saan
tayo nito dinala. Sa mga taong bukas ang mata, maliwanag kung saan ang
tama.
Ngayong tayo na ang nagtitimon sa gobyerno, malinaw ang direksyong
tinatahak ng ating bayan. Isang bansa kung saan ang pagkakataon ay
abot-kamay; kung saan ang mga nangangailangan ay sinasaklolohan; kung
saan may saysay ang bawat patak ng pawis, bawat sandali ng pagtitiis, at
bawat butil ng hinagpis na dinaanan natin. Kung may gawin kang mabuti,
may babalik sa iyong mabuti. At kung may gawin kang masama, tiyak na
mananagot ka.
Naaalala ko nga po ang isang ginang na lumapit sa akin noong kampanya;
ang babala niya, “Noy, mag-iingat ka, marami kang kinakabangga.”
Tama po ang sinabi niya: Tao po akong may agam-agam din. Pero wala po
akong alinlangang tumahak sa tuwid na daan: Buo ang loob ko dahil alam
kong nasa likod ko kayo.
Salamat po sa mga pari at obispo na masinsinang nakipagdiyalogo sa atin,
katulad nina Cardinal Rosales at Vidal. Di naman po kami ganoong kalapit
ni Cardinal Rosales, pero naniniwala akong ibinuhos niya ang lahat para
mabawasan ang hindi pinagkakaunawaan ng gobyerno at simbahan. Sa
pagkahahalal kay Archbishop Palma, tagapagtanggol ng karapatang pantao
at kalikasan, lalo pong tumibay ang aking kumpiyansang ugnayan, at hindi
bangayan ang mabubuo sa pagitan ng estado at simbahan.
Salamat din po sa ating Gabinete, na walang kinikilalang panahon ng
tulog o pahinga, maipatupad lang ang pambansang agenda. Special mention
po ang PAGASA, na tunay na ngayong nagbibigay ng maaasahang babala.
At sa mga nasasagasaan po natin sa landas ng katapatan at integridad sa
pamamahala, ito naman po ang aking masasabi: Pinili ninyo ang landas
kung saan naaapi ang sambayanan. Pinili naman namin ang landas na
ipagtanggol ang taumbayan. Nasa tama po kami. Nasa tama kami; nasa mali
kayo. Sa inyong magbabalik ng pang-aapi sa sambayan, hindi kayo
magtatagumpay.
Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan: Kayo ang lumikha ng
pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing mas maganda ang ipapamana
natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino. Kayo pong mga tsuper na
pumapasada pa rin; kayong mga guro at estudyanteng pauwi pa lang mula sa
klase; kayong patuloy ang paglikha ng mga obrang nagpapaalab sa apoy ng
ating pagka-Pilipino; kayong mga pulis, sundalo, kaminero at bumbero;
kayong mga marangal na magtatrabaho, sa Pilipinas man, sa gitnang dagat,
o sa ibang bansa; kayong mga tapat na kasama natin sa gobyerno, anumang
probinsya o partido; kayong mga Pilipinong nakikinig sa akin ngayon—kayo
po ang lumikha ng pagkakataong ito.
Lumikha po kayo ng gobyernong tunay na nagtatrabaho para sa inyo. May
limang taon pa tayo para siguruhing hindi na tayo babalik sa dating
kalagayan. Hindi tayo magpapadiskaril ngayong napakaganda na ng resulta
ng ating sinimulan.
Kapag may nakita tayong butas sa sistema, huwag na po tayo magtangkang
lumusot. Huwag na nating daanin sa pakiusap ang madadaan sa pagsisikap.
Tama na ang unahan, tama na ang tulakan, tama na ang lamangan, dahil
lahat naman po tayo ay makakarating sa minimithi nating kinabukasan.
Tapusin na po natin ang kultura ng negatibismo; iangat natin ang
kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon. Bakit po ang iba, ang hilig
maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan? At napakahirap—parang
kasalanan—na magsabi ng maganda? Naalala pa po ba natin noong huling
beses tayong pumuri sa kapwa Pilipino?
Itigil na po natin ang paghihilahan pababa. Ang dating industriya ng
pintasan na hindi natin maitakwil, iwaksi na po natin. Tuldukan na po
natin ang pagiging utak-alimango; puwede bang iangat naman natin ang
magaganda nating nagawa?
Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito.
Kapag nakita mo ang pulis sa kanto, nagtatrapik nang walang kapote sa
ilalim ng ulan, lapitan mo sana at sabihing, “Salamat po.”
Kung magkasakit ka at makita mo ang nars na nag-aruga sa iyo, sa halip
na magserbisyo sa dayuhan kapalit ng mas malaking suweldo, pakisabi rin
po, “Salamat po.”
Bago ka umuwi galing eskuwela, lapitan mo ang guro mong piniling
mamuhunan sa iyong kinabukasan kaysa unahin ang sariling ginhawa;
sabihin mo, “Salamat po.” Tulad ng aking guro na nasa screen ngayon,
“Salamat po Ginang Escasa.”
Kung makasalubong mo ang iyong kinatawan sa kalsadang dati ay
lubak-lubak o wala, at ngayon ay puwede nang daanan nang maaliwalas,
lapitan mo siya at sabihing: “Salamat po.”
Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang aking Boss na nagtimon sa atin
tungo sa araw na ito: maraming, maraming salamat po sa pagbabagong
tinatamasa natin ngayon.
Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino.
Magandang hapon po. |
|
|
|