OPS2007-ban-balita.jpg (34469 bytes)



Magkatuwang ang Malacanang at Kongreso sa pagsisikap na matiyak ang sapat na koryente sa lilipat na taon
 
Patuloy ang pakikiisa ng Malacanang sa Kongreso sa pagsisikap na maihanap ng angkop na lunas ang napipintong kakapusan sa koryente sa tag-araw ng darating na taon.

“Nais ng pamahalaan na matiyak ang patuloy na sapat at makatuwirang halaga ng koryente para sa sambayanan sa mga buwan ng tag-araw ng 2015,” alinsunod kay Kalihim Herminio Coloma, Jr. ng Presidential Communications Operations Office sa pulong balitaan Martes sa Malacanang.

“Patuloy kaming makikiisa sa Kongreso sa pagkakaloob ng karampatang tugon at kasiya-siyang solusyon: matatag at maaasahang koryente na makatuwiran at hindi labis-labis o mapagsamantala ang halaga,” sabi pa ni Kalihim Coloma.

Idinugtong pa ni Coloma na ang Kagawaran ng Enerhiya (DOE) ang nagsabing bagaman wala namang aktuwal na kakapusan sa koryente sa tag-araw ng 2015, kakaunti naman ang reserba.

Ipinaliwanag ng Kalihim na sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pagkasira o dili kaya ay hindi nakaiskedyul na pag-aayos ng mga planta ng koryente, ang karampot na reserba ay baka maubos at humantong sa rotational brownouts.

Kasalukuyang tinatalakay ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang panukalang pinagsanib na resolusyon ng Kongreso upang pagkalooban ang Pangulo ng pangkagipitang kapangyarihan para matugunan nang mabilis ang ano mang kakapusan sa koryente sa darating na taon.PND(as/zaf)

TOP