OPS2007-ban-balita.jpg (34469 bytes)


Tinanggap ng Pangulong Aquino sa Malacanang si Kalihim Hagel ng Tanggulan ng Estados Unidos
 
Tinanggap ng Pangulong Benigno S. Aquino III si Kalihim Chuck Hagel ng Tanggulan ng Estados Unidos na nagbigay-diin sa pangako ng kanyang bansa sa “matlbay at hindi maiwawasak” na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa pag-uusap nila sa Music Room ng Malacanang Biyernes,nagpasalamat si Hagel sa Pangu-long Aquino sa masiglang pagtanggap sa kanya.

Ang pagdalaw ni Hagel sa Pilipinas ay hudyat ng patuloy na pagsisikap ng Estados Unidos na tiyakin sa Pilipinas na tutulong sila upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon sa gitna ng sigalot sa teritoryo sa West Philippine Sea.

Nakipagpulong ang Pangulo kay Hagel upang lalong tumibay ang ugnayan ng Pilipinas at ng Estados Unidos sa iba-ibang mga isyu, lalo na sa larangan ng tanggulan at kapanatagan.

Kasalukuyang nag-uusap ang Pilipinas at ang Estados Unidos tungkol sa karagdagang rotational presence ng mga kawal-Amerikano sa pamamagitan ng framework agreement.

Sa pamamagitan nito, ang Pilipinas at Estados Unidos ay makapagsasagawa ng bilateral exercises, kasama na ang paglalagay ng mga kagamitan ukol sa pagsaklolo kung may kalamidad at pagpapaunlad ng mga pasilidad ng Pilipinas.

Kasama ng Pangulo sa pagtanggap kay Hagel sina Kalihim Voltaire Gazmin ng Tanggulang Bansa, Undersecretary Jesus Yabes ng Ugnayang Panlabas, Heneral Emmanuel Bautista, Puno ng Estado Mayor ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, Katulong na Kalihim Raymond Quilop ng Tanggulang Bansa, Acting Assistant Secretary Gina Jamoralin ng Ugnayang Panlabas, at iba pa.

Dumalo rin sa pagkakataong ito sina Embahador Harry K. Thomas, Jr. ng Estados Unidos, Chief of Staff Mark Lippert ng Kagawaran ng Tanggulang Bansa ng Estados Unidos Dr. Peter Lavoy, Acting Assistant Secretary for Asia Policy, Deputy Assistant Secretary Vikram Singh ng Tanggulan para sa Timog Silangang Asya at Tenyente Heneral Thomas Waldhauser, USMC Senior Military Assistant.

Si Hagel ay nanumpang ika-24 Kalihim ng Tanggulang Bansa noong Pebrero 27, 2013. Siya ang kauna-unahang enlisted combat veteran na naging puno ng Kagawaran ng Tanggulang Bansa ng Estados Unidos.

Nasa Maynila si Hagel ng huling linggo ng kanyang pagdalaw sa Timog Silangang Asya na kinabibilangan ng Malaysia, Indonesya at pagdalo sa ASEAN Defense Ministers meeting na idinaos sa Brunei bago bumalik sa Washington Agosto 30. PND (js/zaf)

TOP


Nais ng Pilipinas at Estados Unidos na patuloy na makatuklas ng paraan para mapabuti ang kakayahan ukol sa kapayapaan ng rehiyon, sabi ni Gazmin
 
Ibig ng Pilipinas at ng Estados Unidos na patuloy na makakita ng paraan sa paglinang ng kakayahan nila upang tugunan ang mga hamon ng kapanatagan at makapag-ambag sa pamamayani ng pampurok na kapayapaan.

“Mahalaga hanggang sa kasalukuyan ang matagal na naming samahan,” sabi ni Kalihim Gazmin sa pulong-balitaang idinaos sa Heroes Hall ng Malacanang Biyernes kaugnay ng pagdalaw sa Maynila ni Kalihim Chuck Hagel ng Tanggulang Bansa ng Estados Unidos.

“Bilang magkakasama sa ikalawang pulong ng mga Ministro ng Tanggulang Bansa ng ASEAN na ginanap sa Brunei Darussalam Huwebes, minarapat ng kagawaran ng tanggulan ng dalawang bansa na gawin ang karampatang hakbang upang lalong mag-ibayo ang pagsasamahan natin bilang magkapanalig, kundi pati ng iba pang kaisa natin sa pampurok na kapanatagan,” wika ni Gazmin.

Si Hagel ay nasa Maynila bilang bahagi ng pagdalaw niya sa apat na bansa ng Timog Silangang Asya. Natapat ang pagdalaw ni Hagel sa Maynila sa ika-62 anibersryo ng paglagda sa Philippine-US Mutual Defense Treaty.

“Matagal na ang ugnayang pangtanggulan ng mga bansa natin. Buhat sa ugnayang militar-sa-militar sa pagitan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ng US Pacific Command, pinasimulan ang patakarang magsanggunian ang ating mga tanggulang bansa,” dagdag ni Gazmin.

Bukod sa bilateral strategic dialogue ng matataas na pinuno ng mga Kagawaran ng Tanggulang Bansa at Ugnayang Panlabas ng Pilipinas at ng Estados Unikdos na unang ginanap noong 2011, sinabi ni Gazmin na ang dalawang bansa ay nagdaos din ng two-plus-two ministerial consultations sa pagitan ng mga kalihim ng dalawang kagawaran noong 2012.

Idinagdag ni Gazmin na nakatuon ang mga kagawaranng Tanggulang Bansa ng Pilipinas at Estados Unidos sa pagtutulungan, lalo na sa maritime security, humanitarian assistance and disaster response, cyber security at information sharing.

“Mahigit nang 60 taon ang magandang samahan ng Pilipinas at Estados Unidos at patuloy itong nagiging daan upang mapahusay ang kakayahan nating matugunan ang ano mang isyung pangkapanatagan. Magpapatuloy tayong magsikap na isulong pa ang kapakanan ng dalawang bansa, gayundin ang pamamayani ng katahimikan at kapanatagan sa rehiyon,” sabi ni Gazmin. PND (js/zaf)

TOP


Naging makabuluhan ang pulong nila ng Pangulong Aquino, ayon sa Kalihim ng Tanggulan ng Estados Unidos Chuck Hagel
 
Tiniyak ni Kalihim Chuck Hagel ng Tanggulang Bansa ng Estados Unidos na ipagpapatuloy ng kanyang bansa ang higit pang mabuting pakikisama sa Pilipinas pagkatapos ng pulong nila ng Pangulong Benigno S. Aquino III sa Malacanang Biyernes.

“Sa pulong namin ng Pangulong Aquino, nadama ko ang tapat at walang katulad na magandang samahan ng Estados Unidos at ng Pilipinas na siyang matatag na sandigan ng kapayapaan at kapanatagan at kasaganaan sa rehiyong ito,” sabi ni Kalihim Hagel sa pinagsanib na pulong-balitaan nila ni Kalihim Voltaire Gazmin ng Tanggulang Bansa ng Pilipinas sa Heroes Hall ng Malacanang matapos makipagkita sa Pangulo ang panauhing Kalihim ng Tanggulang Bansa ng Amerika.

“Ang matalik na pakikisama namin sa Pilipinas ay inihinang ng kasaysayan ng magkatuwang na pagpapakasakit at iisang layunin at patuloy pang binibigkis ng pagtutulungan ng ating mga bansa na napakahalaga sa pangmatagalang istratehiya ng Estados Unidos sa Asya Pasipiko,” wika pa ni Hagel.

Nasa Maynila si Hagel bilang bahagi ng apat na bansang biyahe niya sa Timog Silangang Asya. Sa pagdalaw niyang ito, nagbigay-galang si Hagel sa Pangulong Aquino sa Music Room ng Malacanang.

“Ang isa sa ibig kong bigyang diin ay tutuparin ng Estados Unidos ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng ating mga bansa. Iniluwal ito ng magkaagapay an pakikibaka ng mga Amerikano at Pilipino sa mga larangan ng labanan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at lumikha ng panulukang bato ng ugnayan pangkapanatagan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas sa loob nang mahigit na 60 taon,” dugtong ni Hagel.

Ang pagdalaw ni Hagel sa Pilipinas ay itinuturing na bunga ng patuloy na pagsisikap ng Estados Unidos na tiyakin sa Pilipinas na maaasahan ang tulong nito para manatili ang kapayapaan sa rehiyhon sa gitna ng mga sigalot sa West Philippine Sea. PND (js/zaf)

TOP


Ibayong pagtutulungang militar ng Estados Unidos at ng Pilipinas, inulit ni Kalihim Chuck Hagel
 
Inulit ni Kalihim Chuck Hagel ng Tanggulang Bansa ng Estados Unidos ang pangako ng bansa niya na higit na malawak na presensiya ng hukbong Amerikano sa Pilipinas ukol sa ibayong pampurok na kapanatagan alinsunod sa patuloy na talakayang para sa isang Framework Agreement.

Ang pahayag ni Hagel ay ginawa pagkatapos ng pulong nila ng Pangulong Benigno S. Aquino III Biyernes sa Malacanang.

Sinabi ni Hagel na sa kasunduan ay lalong pag-iibayuhin ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa larangang panghukbo at higit na mabisang pagdadamayan.

“Kaya ngayon at sa hinaharap na panahon, ang ugnayang iyan ay lalong magiging matibay,” sabi pa ni Hagel at idinugtong na “ang pangyayaring ito ay napakainam at napansin kong ang dalawang nag-uusap na pangkat ay walang inaaksayang panahon para matapos na ang Framework Agreement sa lalong madaling panahon.

Tiniyak ng pinunong Amerikano na hindi palagiang base ang nais ng Estados Unidos sa Pilipinas sa halip na gamitin ang isang bagong modelo ng military-to-military cooperation na angkop para sa pagtutulungang panghukbo ng Estados Unidos at Pilipinas.

Ayon kay Hagel, ang nais ng Amerika ay dagdag na rotational presence sa Pilipinas katulad nang ginawa kamakailan ng Amerika sa Singapore at Australia.

“Sa paraang ito, makikinabang kapuwa ang ating mga militar sa pamamagitan ng ibayong magkasamang pagsasanay at magkatuwang na pagkilos nila. Ang puspusang pagtutulungan ng ating mga puwersa ay makatutulong na lalo sa nais ng Pangulong Aquino na defense modernization agenda,” sabi pa ni Hagel.

Binanggit ni Hagel ang malaking karanasan ng Estados Unidos sa paglikha ng makabagong militar at handa ang bansa niya na tulungan ang mga kapanalig na Pilipino ng ano mang natutuhan nila sa nakaraang mga panahon.

Binigyang diin ni Hagel na pinag-usapan nila ng Pangulo ang kalagayan sa Timog Karagatang Tsina na isang isyung ang Estados Unidos at iba pang kapanalig nito ay umaasang malulutas sa mapayapang paraan at hindi malalahiran ng karahasan.

Ang Estados Unidos, sabi niya, ay kaisa ng pagsisikap ng ASEAN na pag-usapan ang paglikha ng South China Sea Code of Conduct na makatutulong para malutas ang ano mang hindi pagkakaunawaan at tensiyon bunga ng agawan sa teritoryo at karagatan.

Hiningi ni Hagel sa mga bansang umaangkin dito na lutasin ang sigalot sa maayos na paraang alinsunod sa mga pandaigdig na mekanismo na naaayon sa pandaigdig na batas, kabilang ang Law of the Sea.

Suportado ng Estados Unidos, sabi ni Hagel ang Pilipinas sa ginagawang pagsisikap na idulog ang isyu sa international arbitration.

Nagtungo ang Kalihim ng Tanggulang Bansa ng Estados Unidos sa Maynila bilang bahagi ng pagdalaw niya sa apat na bansa ng Timog Silangang Asya. Ang pagdalaw niya sa Pilipinas ay natapat sa ika-62 anibersaryo ng paglagda ng Pilipinas sa Philippines-US Mutual Defense Treaty noong Agosto 330, 1961. PND (as/zaf)

TOP


Nais ng Estados Unidos na magkaroon ng kowalisyong pandaigdig kaugnay ng kaguluhan Syria, sabi ni Hagel
 
Kasalukuyang sinisikap ng Estados Unidos na magkaroon ng pandaigdig na kowalisyon bilang tugon sa hakbang ng Syria na paggamit umano ng “chemical weapons,” sang-ayon kay Kalihim Chuck Hagel ng Tanggulang Bansa ng Estados Unidos.

Sa pinagsanib na pulong-balitaan sa Heroes Hall ng Malacanang Biyernes, binigyang diin ni Hagel na kailangang sangguniin ang mga kapanalig na bansa bilang tugon sa umano ay paggamit ng Syria ng “chemical weapons.”

Pinagbibintangan ang mga kawal ng pamahalaan ng Syria ng “chemical attack” sa isang pook sa Damascus noong Agosto 21 na naging dahilan umano ng pagkamatay ng daan-daang tao.

“Tungkol sa pagsisikap at pandaigdig na pagtutulungan, ito ang pakay ng Panguloong Barrack Obama at ng pamahalaan sa ano mang pasiyang gagawin na isasalig sa pandaigdig na pagsisikap at pagtutulungan,” sabi ni Hagel.

“Patuloy na sinasangguni ang Bretanya, gayundin ang iba pang kapanalig at sa pag-sangguning ito ay kasama ang nagkakaisang tugon sa paggamit ng chemical weapons sa Syria,” dugtong ni Hagel.

Ayon kay Hagel, iginagalang ng Washington ang paninindigan ng Parlamento ng Bretanya na tumangging makiisa sa ano mang hakbang na gagawin laban sa rehimen sa Syria.

Natalo ng 13 boto sa House of Commons ng Bretanya ang botohan tungo sa isang “strong humanitarian response” sa paggamit umano ng chemical weapons ng Syria.

“May pananagutan ang bawa’t bansa na gumawa ng sariling pasiya at iginagalang namin ang alinmang bansa. Ang Bretanya ay mariing kumondena sa ginawang paggamit ng Syria ng chemical weapons. Ang boto sa Parlamento ay hindi bumago sa naturang paninindigan kaya mahalagang hayagang sabihin ng alinmang bansa kung saan sila panig,” paliwanag ni Hagel.

“Kaya ang nais namin ay patuloy na magkaroon ng kaisahang pandaigdig na sama-sama ang magiging pagkiklos at maraming bansa na ang naghayag ng paninindigan nila laban sa paggamit ng chemical weapons,” sabi ng Kalihim ng Estados Unidos. PND (js/zaf)

TOP